Hindi akalain ng isang vlogger na pulis na armado pala ng baril ang kaniyang bibiktimahin para sana sa kaniyang prank video na gagawing content.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing prank na may kasamang panggugulat ang content ng mga video ng vlogger na si Jovan Gatpo ng Rizal.
Sa kaniyang prank, lalapit si Jovan na naka-dark shade sa kaniyang bibiktimahin. Hindi siya kikibo at bigla na lang aakmang may dudukutin pero tungkod lang pala para magmukha siyang bulag.
Ang mga biktima ni Joven sa prank, napapatakbo naman dahil sa gulat at takot.
Habang ginagawa ni Joven ang pag-arte, ang kaibigan naman niyang si Joseph Josef, ang palihim na kumukuha ng video.
"Yung apat na araw success talaga kami. Maganda ang reactions nito, goods 'to," ani Jovan.
Hanggang sa makita nila Joven ang isang lalaki na nakaupo sa motorsiklo at may sukbit na sling bag ang napili nilang biktimahin.
Gaya ng ibang prank niya, tinabihan ni Jovan ang lalaki at hindi siya kumikibo kahit tinanong na siya ng lalaki na tila naalarma sa ginagawa niya.
"Ano problema mo pare? Ba't ganyan ka makatingin," tanong lalaki.
At nang akmang dudukutin na ni Jovan ang kaniyang tungkod, naunahan na siya ng kasa ng baril ng lalaki na isa palang pulis.
Hindi nakaporma si Jovan nang tutukan siya ng baril ng lalaki at binantaan na papatayin kapag kumilos ng masama.
Doon na nila ipinaliwanag na prank video lang ang kanilang ginagawa. Pero ang videographer pala niyang si Joseph tumakbo palayo sa takot.
"Sobrang nginig, sobrang takot na takot ako. Konting kibot mo lang diyan puwede kang barilin," sabi ni Jovan.
Matapos makiusap na huwag siyang ikulong, pinakawalan umano si Jovan at pinayuhan na hindi lahat ng tao ay gaya ng takbo ng isip nila.
Dahil sa nangyaring insidente, nasira ang pagkakaibigan nila ni Joseph dahil sa ginawang pag-iwan nito kay Jovan.
Pero bukod pa roon, nasira rin ang pagsasama nila ng kaniyang asawa at hiniwalayan si Jovan dahil sa iskandalo.
Payo ng social media specialist na si Janette Toral, dapat isipin din ang responsibilidad kapag gumagawa ng content para sa vlog.
"Kapag gumagawa tayo ng content palagi nating iisipin yung responsibility pagkatapos natin i-shoot yung video. Kailangan magpaalam tayo, hindi tayo basta-basta mag-a-upload lang ng video ng mga tao," ani Toral.
"Nakaka-harm ba ako ng iba, ano yung boundary between ng just for fun at saka baka nakaka-cause na tayo ng disturbance," patuloy niya.-- FRJ, GMA Integrated News