Isinama na bilang miyembro ng security team ng isang gusali sa Mandaluyong City ang dating palaboy na pusang si "Mingming." Dahil dito, good vibes raw ang hatid ng "security-cat" para sa mga empleyado at maging sa mga customer.
Sa kuwento ni Katrina Son sa programang “Dapat Alam Mo!,” sinabing alerto agad si Mingming sa tuwing may pumapasok sa naturang gusali.
“Kusa na lang siya umaakyat sa aming lamesa. Tapos parang gusto niya rin mag-inspeksyon ng mga pumapasok na employee. Mabait po si Mingming sa mga customer at employee,” saad ni Jerome Arranchado, security guard sa gusali.
Kahit daw stressful ang trabaho bilang security guard, good vibes naman daw ang hatid sa kaniya ng pusa.
“Si Mingming po kapag nasa tabi po namin, nawawala po ‘yung pagod namin parang hindi po kami nahihirapan. Ginaganahan po kami magtrabaho. Parang kapatid na rin namin po, pamilya na rin po,” dagdag pa ni Arranchado.
Dating stray cat si Mingming sa gusali at madalas tumambay malapit sa mga kainan para mag-abang ng mga taong magpapakain sa kaniya.
“Sa cycle parking talaga namin siya nakikita. Makikita namin ‘yan lalabas lang siya kukuha ng pagkain. Manghihingi ng pagkain, maghahanap siya, magtatago na siya. Nangunguha siya ng mga leftover tapos tatakbo siya. Ganoon lagi siya, takot siya,” ayon kay Nena Omanga, na isang housekeeper sa gusali.
Dahil madalas itong magpabalik-balik sa lugar, naging malapit na raw si Mingming sa mga empleyado.
Kaya noong 2021, naisipan ampunin ng management ang pusa at alagaan.
“Parang siya na ‘yung kusang magpaampon sa amin… hinayaan na lang din siya, ampon na siya ng buong building,” sambit ni Omanga.
Mula sa pagiging payat at matamlay na pusa, naging magana, listo at bibo si Mingming.
“Maraming pumupuri sa kaniya. ‘Yung dating stray cat na tinitingnan namin, kinaaliwan na siya ng lahat, kinatutuwaan,” ani Omanga.
Ayon kay Lucia Fernandez, founder ng Red Cubs Paw Patrol, mas maraming masasagip na hayop at mabibigyan ng mas magandang buhay kapag inampon ang mga stray cats tulad ni Mingming.
“Adopt if you can and if you want to buy just make sure na kayo mong alagaan and panindigan. If you buy, at least have one more space naman ng adaptable cat na talagang walang magaalaga,” paliwanag ni Fernandez.
Hinikayat din ni Fernandez na tumulong sa pagsagip sa mga palaboy na hayop.
“We would like to encourage everybody to do what they can, to help as much as they can. Be a first responder. You don’t need to keep them if you can’t. Don’t pressure yourself to keep them if you don’t have the means. There are other rescue groups that are willing to help,” giit pa niya. -- FRJ, GMA Integrated News