Isang dambuhalang cane toad, o uri ng palaka na pinangalanang "Toadzilla" ang nakita sa Conway National Park sa Australia. Aalamin pa kung kaya nitong angkinin ang Guinness World Record bilang pinakamalaking palaka sa mundo.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing may bigat si Toadzilla ng 2.7kg o 6 pounds, na katumbas ng bigat ng isang maliit na bagong silang na sanggol.
Pero wala pa raw kumpirmasyon kung maagaw nito ang nakatala sa Guinness World Record ng pinakamalaking palaka sa mundo.
Batay umano sa Guinness World Record, ang palaka na may hawak ng rekord bilang pinakamalaking palaka sa mundo ay may bigat na 2.65 kg o 5.8 pounds
Ayon sa isang ranger, nakita nila si Toadzilla sa Conway National Park sa Australia.
“So yeah so we hopped out to watch the snake slither off. It was a beautiful big red bellied snake, and he has taken off to the left of us and I was standing on the right of our buggy and looked down and yeah, right near my feet, probably about 40cm (15.7 inches) away from where the snake was originally, there was this monster cane toad. It shocked us!” ani Kylee Gray ng Queensland Department of Environment and Science.
Ngunit dahil itinuturing invasive species o dayuhan sa Australia ang cane toad na maaaring magdulot ng panganib sa iba pang hayop sa naturang parke, kinailangan alisin ng park rangers si Toadzilla sa lugar.
Sinasabing dinala sa Australia mga cane toad noong 1935 para makontrol ang mga pamemeste ng cane beetles at iba pang insekto.
Pero mabilis na lumobo ang populasyon ng cane toads dahil wala itong natural predators doon.
“One of the big problems with the cane toads is that, is their breeding capabilities. A female cane toad like potentially ‘Toadzilla’ would be, would lay up to 35,000 eggs,” saad ni Barry Nolan ng Queensland Parks and Wildlife Service.
“So, their capacity to reproduce is quite staggering. And all parts of the cane toad’s breeding cycle are poisonous to Australian native species,” dagdag pa niya.
Pero hindi gaya ng ibang cane toads na nakukuha ng rangers, hindi pinatay si Toadzilla kundi dinala sa Queensland Museum para sa research.
Wala pang kumpirmasyon sa Guinness kung nabasag ni Toadzilla ang record sa pinakamalaking palaka sa mundo.-- Mel Matthew Doctor FRJ, GMA Integrated News