Alamin kung sino kina Andrea Torres, Jak Roberto at Diego Gutierrez ang nakatutuwang nag-'pass' kahit hindi puwede sa elimination round ng "Pinoy Henyo" segment ng "Eat Bulaga" dahil hindi niya masagot ang pinapahulaang salita.
Sa naturang episode nitong weekend ng "Eat Bulaga," unang sumalang sa "Pinoy Henyo" si Andrea at ang kaniyang ama na dating university professor na si Daddy Bobby.
Si Andrea ang humula at matagumpay niyang nasagot ang mystery word na "lamok" sa tagal na 56 segundo.
Sumunod naman ang tandem nina Jak at personal assistant niyang si Donna na salitang "bituka" ang pinapahulaan.
Si Jak ang nanghula at si Donna naman ang nagbigay ng clue, na nag-oo nang tanungin ng aktor kung "pagkain" ang pinapahulaang salita.
Dito na nahirapan si Jak na manghula ng pagkain na iniihaw. Matapos isa-isang banggitan ang liempo, isaw, bbq, ulo ng manok, betamax, tila nauubusan na siya ng sasabihin nang bigla niyang masambit ang "bituka ng manok."
Na-excite na ang mga dabarkads pero hindi pa rin makuha ng aktor ang eksaktong tamang salita na "bituka" at natatawa siyang nagsabi ng "pass!"
Ang "pass" ay pinapayagan lang sa jackpot roung na nagsasalitan sa pagsagot ang magkatambal na kalahok.
Tuluyang hindi nasagot ni Jak ang salita matapos silang maubusan ng oras.
Ang tandem naman ng mag-inang Lotlot de Leon at Diego Gutierrez ang huling sumulang at natoka sa kanila ang salitang "pinggan."
Si Diego ang sumagot na madaling nakuha ang clue na gamit sa kusina. Pero kahit nabanggit na niya ang clue na gamit sa pagkain ang pinapahulaang salita, tumagal ng 1 minuto at 21 segundo bago niya ito nasagot nang tama.
Dahil mas mabilis ang pagsagot nina Andrea at ama niyang si Bobby, sila ang sumalang sa jackpot round. Alamin kung nadagdagan pa ng P50,000 ang kanilang premyo. Panoorin ang video.--FRJ, GMA Integrated News