Nauwi sa pag-aresto ang "prank" ng magkapatid sa isang gasolinahan sa Mawab, Davao De Oro dahil inabala nila maging ang rescue team ng munisipalidad at pinagtawanan pa.
Sa ulat ng GMA News Feed, makikita sa vlog ng Cordero Brothers ang pagdating sa gasolinahan ng isang lalaki habang kinukunan siya ng video ng kaniyang kasamahan.
Bumili ng gasolina ang lalaki at ipinalagay sa bitbit nitong bote. Ang naturang bote na may gasolina, pinalitan naman niya ng boteng nakatago sa kaniyang likuran.
Ininom ng lalaki ang laman ng dala-dala niyang bote na kunwaring gasolina. At sadya niya pa itong ipakita sa mga empleyado ng gasolinahan.
Ilang saglit pa, umarte na ang lalaki na tila nalalason at napaupo.
Dahil dito, tumawag ng tulong ang mga tauhan sa gasolinahan, na nirespondehan ng rescue unit ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Pero nang suriin ng MDRRMO ang pangyayari, nagpa-prank lang pala ang magkapatid.
Ayon kay Ruel Helicame ng Mawab MDRRMO, pinagpalit ng lalaki ang mga bote para magkunwaring gasolina ang kaniyang iniinom.
Base sa post ng MDRRMO, nagpadala pa sila ng ambulansya dahil sa pagtawag sa kanila ng gasolinahan.
"Nagmadaling rumesponde ang aming team dahil sa report na may emergency sa gasolinahan. Pero pagdating doon ng aming team, pinagtawanan ninyo lang dahil prank lang daw ito. Tama ba iyon?" saad ng MDRRMO sa Facebook.
Hindi pinalampas ng mga awtoridad ang prank at dinakip ang magkapatid na vloggers.
Base sa Revised Penal Code, posibleng makasuhan ang vloggers ng Alarm and Scandal at pagmultahin ng aabot sa P40,000.
Nakiusap ang mga suspek na huwag na silang ikulong.
"Hiniling nila kay Mayor na huwag nang ituloy ang kaso kaya binigyan na lang sila ng babala. Base sa utos ni Mayor, kailangan nilang mag-public apology, at the same time, sumailalim sa community service," sabi ni Helicame.
Naglabas na rin ng video ang mga suspek ng paghingi nila ng tawad sa publiko, at personal na rin silang pumunta sa tanggapan ng MDRRMO para humingi ng paumanhin.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News