Naging viral sa social media kamakailan ang video sa agawan ng parking space ng isang driver na nasa sasakyan, at isang babae na walang sasakyan pero iginigiit na paparating na kanilang sasakyan.  Sa ganitong sitwasyon, makikialam kaya ang mga tao lalo na kung tumataas na ang tensiyon sa agawan ng parking slot? Alamin sa isinagawang social experiment ng programang "Good News."

Sa programang “Good News,” ipinakita ang bahagi ng nag-viral na video na inihaharang ng babae ang kaniyang sarili para hindi makaparada ang sasakyan ng lalaki.

Sa huli, nagawa pa rin ng lalaking driver na maiparada ang kaniyang sasakyan.

Pero hindi doon nagtapos ang mainit na tagpo dahil patuloy na nagtalo ang dalawa kung sino sa kanila ang may karapatan sa naturang parking space.

Ayon kay Dr. Camille Garcia, isang psychologist at administrator ng The Clinic of the Holy Spirit,  sadyang lumilikha ng matinding emosyon ang mga ganoong sitwasyon.

“Rampant kasi talaga akala nila puwedeng i-reserve ang mga parking, especially sa mga public places, kahit ‘yung mayroong parking fee na involve,” saad ni Garcia.

“Kahit sabihin mo ang emosyon ay ganito lang tapos biglang inuunti mo, mag-flare up talaga ‘yan,” dagdag pa niya.

Ang naturang pangyayari ang naging basehan ng Good News para isagawa social experiment at alamin ang magiging reaksyon ng mga tao kapag nakakita ng pagtatalo ng driver na may sasakyan at inihaharang ang sarili para i-reserve ang parking slot.

Sa una, tila walang tao na nais na masangkot sa pagtatalo ng dalawang kasabwat sa naturang eksperimento.

Ayon kay Garcia, sadyang may mga tao na hindi nais masangkot sa isang sitwasyon na sa pakiramdam nila ay maaaring maglagay sa kanila sa panganib.

Pero nang pinatindi na ng mga kasabwat ang eksena, may dumaan na lalaki na nagpahayag ng pagkampi sa driver na siyang may karapatan na mag-park dahil mayroon itong sasakyan, kaysa sa babae na wala.

Dahil hindi pa rin nagpapatalo ang babae, sinabi ng lalaki na tatawag na lang siya ng barangay para maayos ang gusot.

Sa naturang sitwasyon, sinabi ni Garcia na nais ng lalaki na mamagitan para humupa ang pagtatalo ng dalawa.

"They just wanted to help na mag-settle kasi unang una siguro they experience the same thing. Second ang gusto lang nila yung walang nagkakaroon ng kaguluhan," paliwanag ng doktora.

Sa isa pang eksena, ang babae naman ang kunwaring sakay ng paparadang kotse, habang lalaki naman ang haharang para i-reserve ang parking slot. Mayroon pa rin kayang mamamagitan sa kanilang pagtatalo? Panoorin ang buong ekperimento sa video ng Good News.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News