Itinuturing ng direktor na si Mikhail Red na "big surprise" para sa kaniya ang paghakot ng awards ng techno-horror film niyang "Deleter" sa 2022 Metro Manila Film Festival Awards Night, na pinagbidahan ni Nadine Lustre.
Sa "Surprise Guest with Pia Arcangel," sinabi rin ni direk Mikhail na wala sa plano niya noong una na isali sa MMFF ang "Deleter."
"Siyempre we're all surprised [nang manalo ng award]. We weren't supposed to be an MMFF entry when we made this film, walang ganu'n na intensyon. Pero nu'ng nag-submit kami for the last four films, nu'ng nalaman namin na nakapasok, big bonus plot twist na 'yun for us," kuwento niya.
Dagdag bonus pa raw sa kanila na marami ang nanonood at nagkaroon pa ng mga award.
"Bonus na lang lahat 'yon. Kasi kami we were very happy just to make a genre movie ngayon post pandemic," saad ng direktor.
Ayon kay direk Mikhail, namimili siya ng mga makakatrabaho kapag gagawa siya ng pelikula. Matapos nito, magdedesisyon siya kung dapat ba itong ilabas bilang pelikula o sa streaming app na lang. Kaya naman sorpresa para sa kanila ang mga nakuha nilang awards sa MMFF.
"When I make my movies, talagang if I have a story to tell and then I partnered with the right actors and studios who want to collaborate. And then 'yung parang distribution that something na ano na lang eh, we decide after whether parang theatrical, streaming ganu'n," paliwanag niya.
"Big surprise for us nga 'yung Metro Manila Film Festival kasi 'yun nga malaking platform siya na mapapanuod ng maraming Pilipino. Lalo na ngayon na parang revenge viewing, lahat ng tao gusto na bumalik sa cinemas. Ang ganda ng turn out and we're all surprised na it's doing it so well lalo na for an R-rated horror movie in Christmas," patuloy niya.
Ilan sa mga award na nakuha ng "Deleter" ay ang Best Picture, Best Cinematography, Best Director, at Best Actress para kay Nadine.
Nagwagi rin ito para sa Best Sound, Best Visual Effects at Best Editing.--FRJ, GMA Integrated News