Inihayag ng direktor na si Mikhail Red ang kaniyang paghanga kay Nadine Lustre, na nagwaging Best Actress sa 2022 Metro Manila Film Festival, para sa pagganap niya sa horror movie na "Deleter."
Sa "Surprise Guest with Pia Arcangel," sinabi ni direk Mikhail na ito ang unang pagkakataon na makatrabaho si Nadine at ang management ng aktres na Viva, para sa nabanggit na pelikula.
Masaya raw siya sa naging bunga ng kanilang collaboration.
Humanga si Direk Mikhail sa malawak na imahinasyon ni Nadine, at naging sa mahusay ang pag-arte ng aktres kahit computer screen lang ang kaharap niya.
"I always say nga very talented and technical and she [Nadine] has the experience to handle this genre 'no. Such a challenging genre to do horror. You need to have very vivid imagination," anang direktor.
"Kasi you are reacting to something that's not in the shot with you 'di ba and she's reacting to a computer screen, so you don't have parang 'yung energy, 'yung chemistry to bounce of another actor like drama or romance," patuloy niya.
Ayon pa kay Direk Mikhail, naiintindihan ni Nadine ang kaniyang hinihingi bilang direktor, at nauunawaan ng aktres ang "film language."
"So perfect siya for horror and I hope she does more genre movies. Kasi nakikita 'yung versatility niya e, 'di ba, like she can do romance pero ito she can do even different genres. Very psychological 'yung film, 'yung character niya, mas internal 'yung struggle," ayon sa direktor.
Ayon kay direk Mikhail, pasok agad si Nadine nang binubuo pa lang ang cast ng pelikula para sa role nito.
"Perfect na agad si Nadine eh, 'yung everything, 'yung look niya, syempre 'yung age range ng character and 'yung sensibilities, parang perfect na agad," kuwento niya.
"And skill level 'di ba, experience, plus 'yung pull niya to really bring and audience to go and see film na hindi typical horror, parang medyo mas psychological. So ang perfect, parang perfect combination talaga 'yung buong collaboration na ito, the studio gave us like creative freedom to start this kind of film," sabi pa ni direk Mikhail.--FRJ, GMA Integrated News