Bukod sa mais na kulay dilaw at puti, ipinapakilala ngayon ng mga magsasaka sa Zamboanga City ang kanilang tanim na mais na kulay magenta. May sangkap daw ito na pangontra sa cancer.

Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkules, sinabing ang bagong variety ng mais ay itinanim ng mga magsasaka sa Barangay Mercedes, ng mga miyembro ng Lumbayao Farmers Association.

Ang puno, bunga at balat ng mais ay kulay magenta.

Matamis at may pagkamalagkit umano ang butil nito.

Ang naturang variety ng mais ang pinakauna raw na itinanim sa ilalim ng techno demo activity ng City Agriculture Office at ng isang seed company.

Ayon kay Jocelyn Galvez, agricultural technologist, hybrid ang naturang mais na may pinaghalong katangian ng glutinous at sweet corn.

Mas madali rin umanong mag-mature ang magenta color corn kaysa sweet corn, at maaari na itong anihin sa loob ng 68 araw.

Idinagdag naman ni Engineer Erwin Kulayan, assistant city agriculturist, may anthocyanin ang nasabing mais na cancer preventive kaya raw ito sikat.

Ilang produkto na maaari umanong magawa sa magenta corn ay cornstarch at corn coffee.

Nitong nakaraang Disyembre, nagkaroon ng unang ani ang mga magsasaka, at muli silang magsasagawa ng ani ngayong Enero.

Nasa mahigit P2,000 bawat kilo ang presyo ng seedling nito, habang nasa P40 per kilo ang farmgate price ng produkto.--FRJ, GMA Integrated News