Mapapa-sana-all marahil ang ibang OFW sa isang ama na tatlong dekada nang kumakayod sa Saudi Arabia para masuportahan ang pamilya. Sa halip kasi na siya ang magdala ng sorpresa sa pamilya sa kaniyang pag-uwi sa Pilipinas, siya ang niregaluhan ng kaniyang mga anak ng pinapangarap niyang van.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na tatlong dekada nang nakikipagsapalaran sa abroad ang ama na si Eduardo Gonzalvo.
Hindi raw naging madali sa kaniya ang unang taon sa Saudi pero nagtiis siya. Hanggang sa makakuha siya ng maayos na trabaho bilang driver sa isang poultry business, at tumagal na siya rito ng 15 taon.
Sa abroad na rin nakilala Eduardo ang kaniyang asawa na si Arlene. Pero nang mabuntis, nagpasya silang umuwi na sa Pilipinas si Arlene, habang nananatili naman sa Saudi si Eduardo para buhayin ang kaniyang pamilya, at nagkaroon na sila ng anim na anak.
"Pag-uwi ko, nganga kaming lahat. Ang iniisip ko, ang kinabukasan ng mga anak ko," saad ni Eduardo sa sitwasyon nila noon kaya nagpatuloy siya sa pagtatrabaho sa ibang bansa.
Ang isa sa mga anak ni Eduardo na si Edelyn, hindi napigilan na maging emosyon nang balikan ang hirap ng buhay nila noon.
"Sa isang menudo lima po kaming magkakapatid, kailangan po naming paghati-hatian 'yon," saad niya.
Kaya kung dati ay madalas na umuwi tuwing Pasko si Eduardo, dumalang na lang kinalaunan, at naging tuwing ika-limang taon na lang.
Ang naging paraan ng pamilya para makasama ang ama sa mahahalagang okasyon tulad ng Pasko o birthday, ang video call.
Unti-unti naman nagbunga ang sakripisyo ni Mang Eduardo nang makapagtapos na sa kolehiyo ang apat sa anim niyang mga anak.
Pero hindi pa siya makauwi dahil kailangan pa niyang mag-ipon sa pinapangarap niyang sariling sasakyan na van pag-uwi niya sa Pilipinas kahit second hand man lang.
Kaya ang mga anak ni Eduardo, nag-ipon, at nagtayo ng negosyong damit para mabili ang pangarap na van ng ama--at hindi lang second hand kung hindi brand new na P1.7 milyon ang halaga.
Kaagad na inihanda ito ng mga anak nang payagan ng ama si Eduardo na umuwi ng bansa para magbakasyon pagkaraan muli ng limang taon.
At paglabas ni Eduardo sa airport, sinalubong siya nang mahigpit na yakap ng kaniyang asawa at mga anak.
Gamit ang kaniyang face mask, itinakip ito sa kaniyang mga mata, at dinala siya sa parking area ng paliparan.
Doon na ipinakita ng mga anak ang maagang aguinaldo nila sa kanilang masipag na ama.
"Yung feeling po na una mo pong makita yung tatay mo ulit [pagkaraan] ng sobrang maraming taon, sobrang sarap sa puso, sobrang saya sa pakiramdam," sabi ni Edelyn.
Makikita naman sa mukha ni Eduardo ang pagiging isang napakasayang ama sa sorpresang ginawa sa kaniya ng pamilya.
"Salamat sa aking mga anak, at ang aking mga pangarap ay tinupad niyo. Sana nama'y 'di kayo magsawa sa suporta sa inyong tatay ha," saad niya nang sumakay na siya at hawakan ang manibela ng kaniyang dream van.
Sabi pa niya, "Nung nakita ko yung van na 'yan, hindi ko malaman kung luha o pawis... hindi ko na...basta napakasarap ng pakiramdam ng ganyan, na binibigyan ka ng mga anak mo ng sorpresa."
Pero babalik pa kaya si Eduardo sa Saudi ngayong natupad na ang pinapangarap niyang van? Panoorin ang nakaka-inspire na kuwento ng kanilang pamilya sa video ng ito ng "KMJS."-- FRJ, GMA Integrated News