Sa isang linggo, umaabot sa tatlo o apat na trabaho ang nilalagare noon ni Herlene "Hipon Girl" Budol upang kumita. Ginawa niya ito noong nagdadalaga na siya para sa kaniyang pamilya. Lalo na nang maospital ang kaniyang lola at wala siyang maibigay na pera bilang paunang bayad para gamutin ito.
Sa podcast na Updated with Nelson Canlas, sinabi ni Herlene na "solid" naman ang kaniyang pagkabata dahil naranasan niyang maglaro ng mga larong kalye tulad ng 10-20, gagamba, trumpo, text, jolens, pogs, tumbang preso at iba pa.
"Naranasan ko naman po lahat. Siguro ang hindi ko lang naranasan 'yung pagiging dalaga. Kung sabihin niyong 'yung pagkabata, solid po. Pero 'yung pagkadalaga na tipikal ngayon... late bloomer po ako," pag-amin ni Herlene.
Nagtatrabaho na si Herlene sa edad 15 pa lang. Kaya raw hindi siya gaanong sanay sa mga gimikan na gaya ng kaniyang mga kaibigan.
"Hindi ako masyadong nakaka-gimik. Ako sa totoo lang po, nakaranas na po ako pero hindi siya para sa akin. Kapag pumapasok po ako sa maingay, 'Ay ano 'yon?' nakakapanibago sa akin. Pero 'yung mga ka-edad ko 'Uy tara doon tayo.' Gusto kong sumama pero parang iniisip ko, mukhang hindi ako mag-e-enjoy dito, mukhang out of place ako, mukhang hindi ako para dito," sabi ng Binibining Pilipinas 2022 1st runner-up.
"Ako, nasa cartoon stage pa lang ako na, Spongebob pa nga rin ang favorite kong palabas eh," pag-amin pa ni Herlene. "Sabi ko 'Bakit parang iba ako sa iba?' Ang hirap magdalaga kapag late na."
Mga tatlo o apat na trabaho ang pinasok ni Herlene noon sa isang linggo, kabilang ang pagiging staff sa munisipyo, tindera sa tiangge, at pagiging isang waitress.
"Masaya po akong marami akong pera noong bata pa lang po ako, kasi nasanay kami walang pera eh. Simula noong naospital si nanay [tawag sa lola niya] noong dati tapos ayaw siyang tubuhan kasi wala kaming pang-down, P4,000, sabi ko 'Bigyan niyo ako ng hanggang bukas, ibibigay ko sa inyo ang downpayment ng P4,000.' ayaw."
"Sinabi ko sa sarili ko na ayokong mawawalan ako ng pera na kapit every time na may emergency, ayokong nagmamakaawa tapos hindi ako pagbibigyan. Itinatak ko sa utak ko na kailangan meron akong palaging pera. Sumipag po ako noon para meron akong pera na sariling kapit," pagpapatuloy niya. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News