Inilahad ni Herlene "Hipon Girl" Budol ang mga "kalbaryong" pinagdaanan niya habang nasa Uganda para sumali sana sa Miss Planet International pageant. Kabilang dito ang pagpapalibre ng makakain sa isang overseas Filipino worker doon.
Sa panayam sa podcast na "Updated with Nelson Canlas," ikinuwento ni Herlene na hinabol siya nga pulis na armado ng baril, nagkaroon siya ng alopecia, at walang pagkain at matutuluyan ang mga kandidang kalahok sa naturang pageant.
Dahil umano sa mga aberya sa pageant sa Uganda, sinabi ni Herlene na ang mga kandidata ang sumasagot sa kanilang pagkain. Problema rin ang matutuluyan nila.
Habang nasa isang mall, sinabi ni Herlene na tinanong niya ang isang OFW na nakakilala sa kaniya na kung puwedeng ilibre siya ng makakain.
"'Di ba dinala kami sa mall, sabi sa akin [ng OFW], 'uy, Hipon pa-picture.' Buti nakilala po ako nun," she said. "Nung nakilala ako, [talagang] kinapalan ko ang mukha ko," kuwento ni Herlene.
"Para nga akong pulubi, sabi ko," pag-amin ng comedienne at beauty queen.
Sabi umano ni Herlene sa kababayan, "Te, libre mo naman ako, penge naman akong—pengeng kahit ano, barya. Pambili lang ng kayang bumili ng kahit tinapay."
"Pero nilibre niya po kami [sa] parang fast food chain," patuloy niya.
Sa isang Instagram post, nagpasalamat si Hipon Girl sa mga Filipinos sa Uganda sa pagtulong.
Ang Miss Planet International sana ang unang first international pageant na sasalihan ni Herlene matapos maging first runner-up sa Binibining Pilipinas at nakatanggap ng pitong special awards.
Napilitang umurong si Herlene sa naturang kompetisyon "[due] to uncertainties by the organizers," at hindi maayos na naasikaso ang mga kalahok.
Kasunod ng kontrobersiya, iniurong ang pagdaraos ng Miss Planet International sa Enero 2023.—FRJ, GMA Integrated News