Paniniwala ng mga Pinoy na nakukuha ang kuliti o "stye" dahil sa pamboboso o paninilip. Ano nga ba ang dahilan ng kuliti, at totoo bang dapat na bunutin ang pilik-mata para mawala ang kuliti? Alamin ang paliwanag ng espesyalista.
Sa programang "Pinoy MD," sinabi ng event host at call center agent na si Angel Camba o mas kilala bilang si “Miss A,” tinubuan siya ng kuliti kahit hindi naman siya naninilip.
“Minsan nakakapag-isip ka, mayroon ba kong sinilipan? Wala naman akong sinilipan. Kung meron man, nagpapaalam naman ako. Pumapayag naman sila. So, 'di siya sinisilipan kasi may authorization,” pabirong kuwento ni Miss A.
Bilang isang host, todo make-up at ayos daw palagi si Miss A. Dito rin niya unang nalaman ang kondisyon dahil napansin niya ang maliit na butlig nang minsang maglagay siya ng fake eyelashes.
“Nakikita ko na ‘yung bilog. Naaninag ko na ‘yung bilog tapos mabigat at sumasagi na sa mata ko ‘pag pumipikit o kumukurap ako. Isa pa ‘yung vision mo apektado, kasi ‘pag gumanon ka, makati,” dagdag niya.
Agad nagpakonsulta si Miss A sa isang eye specialist matapos daw maapektuhan ng kaniyang trabaho at confidence dahil sa butlig niya sa mata.
Kinumpirma naman daw ng opthalmologist na kuliti nga ang nasa talukap ng kaniyang mata at binigyan siya ng gamot maalis ito.
Dahil sa kagustuhang gumaling agad, binunot daw ni Miss A ang pilik-mata sa area kung nasaan ang eye infection. Ngunit imbis na mawala, tila lalong lumaki at nagkaroon daw ito ng nana.
“Lumaki na nang lumaki, two weeks. Pero 'yung may nana na, OA na. Bumalik na ko sa doktor. Sabi niya 'kailangan mo nang operahan,’” kuwento pa niya.
Ayon sa ophthalmologist na si Dr. Jimmy Perez de Tagle, hindi dapat gayahin ang ginawa ni Miss A sa pagbunot ng pilikmata.
“Never do that. Never pull your lashes ‘pag may ganoon kang kondisyon. Hindi siya lalabas o hindi sisingaw ang naipon na nana doon by pulling the lashes. You're actually making it worse. Pinapalala niyo po ang kondisyon,” sabi ni Tagle.
Sumunod si Miss A sa payo ng doktor at unti-unti gumaling ang kuliti matapos ang operasyon.
Paliwanag ni de Tagle, mayroong dalawang uri ng kuliti — ang hordeolum at chalazion. Ang Hordoleum ay sanhi ng bacteria na nakapasok sa gilid ng mata at nagdadala ng infection. Samantalang ang chalazion ay dala naman ng pagbabara ng oil glands.
Sa kaso ni Miss A, hordeolum ang kaniyang naging kuliti.
“Kalimitan ang tinatawag na hordoleum o stye, ang pinakamadalas natin na nariring na kuliti, ay nagmumula sa impeksyon kasi minsan ang ating pilik-mata ay nabubunot natin. Nangyayari 'yon, 'pag medyo makati nakakamot natin. Minsan napipigtas ang pilik-mata at nagkakaron ng impeksyon doon sa pinaghilahan,” dagdag pa ni de Tagle.
Tagumpay man ang operasyon, nanatili ang takot ni Miss A dahil pa rin sa paniniwala na dadami raw sa pito ang kuliti.
Pero ayon kay de Tagle: “Wala pong eksaktong count na hanggang pitong beses. Minsan dalawa, tatlong beses, minsan mas madami pa doon. Pero wala pong exact number na magsasabi na hanggang diyan lang”.
Wala rin daw kinalaman ang paninilip sa pagkakaroon ng kuliti.
“Bata pa po ko naririnig ko 'yung 'pag may kuliti ka, nanilip ka. Sa Pilipinas ko lang po ata narinig 'yung ganitong mga pamahiin. There's no truth to it because basically, it's an infection or an obstruction. I don't think ang paninilip has anything to do with either. Hindi po totoo 'yon,” ani de Tagle. --FRJ, GMA News