Paano nga ba nagkaroon ng tila malaking tipak ng bato sa pantog ng isang babaeng pasyente na naging kalbaryo ang pag-ihi ng maraming taon? Alamin.
“Noong nakita ko na yung film nung pinadala sa akin, nagulat ako kasi napakalaki kasi talaga ng stone. And I was quite surprised kasi very seldom na makakita ng ganitong stone,” kuwento ni Dr. Rogelio Varela Jr., isang Urologist Surgeon, sa ulat ng programang “Dapat Alam Mo.”
Ang kaniyang pasyente na si Marilou, 44-anyos, sinabing naging kalbaryo ang pinagdaraanan niya noon tuwing iihi.
“Kapag umiihi po ako, nagtutuwad-tuwad pa ako para lumabas yung ihi ko. Nanginginig pa ako sa sakit, masakit ko po yung balakang ko, tsaka yung puson ko parang ako po ay manganganak,” pahayag ni Marilou.
Para naman makatipid sa gastusin sa pagpapagamot, sumubok daw siya ng kung anu-anong remedyo.
“Bago po ako maopera, nag-herbal po ako. Nag-inom po ako ng guyabano. Araw-araw 'yan po ang iniinom ko at saka yung banaba. Pero hindi naman po ako gumaling sa ganong herbal,” paliwanag niya.
Ang nakita ni Dr. Varela sa pantog ni Marilou ay isang urinary bladder stone o bato sa pantog. Ito ay mga mineral na namumuo sa kidney o urinary bladder.
“Kadalasan dito kapag dehyrated tayo o less ang fluid natin, less ang iininom natin, nagkakaroon ng mga salt formation, mga protein formation, minsan nagdidikit-dikit ito,” paliwanag ng doktor.
Karaniwan daw itong sakit ng mga Pinoy. Itinatayang pito sa bawat 10 ang nagkakaroon ng kidney stone, at nangyayari ito dahil sa kinakain at kakulangan sa iniinom na tubig.
Tiniis ni Marilou ng ilang taon ang sakit na dulot ng kidney stone para sa kaniyang pamilya.
“Kasi kapag nagpa-opera po ako, ‘di po kaya ng asawa ko na siya lang naghahanap-buhay. Tiniis ko po yun, kaso hindi ko na po nakayanan. Kailangan ko na po sigurong magpa-opera kasi paano naman po yung mga anak ko kung ako po ay mawala,” paliwanag niya.
Sumailalim si Marilou sa isang open surgery, at hindi naging biro ang ginawang operasyon sa kaniya. Inabot umano ng dalawang oras bago makuha ang bato na kasinglaki ng kamao at bigat na 400 grams.
Ayon pa kay Dr. Varela, maaaring inabot ng 10 taon bago nabuo nang ganoong kalaki ang bato.
Nakakita na umano siya ng iba't ibang klase ng kidney stone pero ibang klase ang nakita kay Marilou na sobrang laki.
Nang maaalis ang bato, sabi ni Marilou, "Ang sarap sa pakiramdam pala ang umihi ng normal yung walang bara."
Samantala, sinabi ni Dr. Varela na kinakailangan pa rin na sumabak si Marilou sa yearly check-up para magsagawa ng ultrasound at urinalysis dahil malaki ang tsansa na puwedeng umulit ang stone.
Payo naman ng doktor para makaiwas ang mga tao sa naturang sitwasyon, dalasan ang pag-inom ng tubig at bawasan ang pagkain ng maalat. --FRJ, GMA News