Sa pagpasok ng "ber" month, siya namang labas ni Jose Mari Chan, na tinaguriang Father of Philippine Christmas Carols. At gaya ng sikat na mang-aawit, may isang tao rin sa mga eskinita sa Novaliches, Quezon City, na bentang-benta pagsapit ng Setyembre--si Jose Mari Chan yarn?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakilala ang ka-look-alike ni Jose Mari Chan, ang 72-anyos na si Elpidio Rheberg.
Sa tindig, porma, mata at ayos ng buhok, gets na gets ni Mang Elpidio ang kaniyang idol na si Jose Mari Chan mula pa noong high school.
Ang napangasawa ni Mang Elpidio, napasagot daw niya sa kakanta niya ng mga hit song noon ng kaniyang idolo.
Kahit si misis, sinasabing kamukha talaga ng kaniyang mister si Jose Mari Chan lalo na raw nang magka-edad ang kanilang padre de familia.
Ayon kay Mang Elpidio, sinasabihan siya ng kaniyang pamangkin na kahawig niya si Jose Mari Chan.
"Pagtungtong ng September, sinasabi niya, 'Panahon mo na naman uncle.' Natutuwa naman ako siyempre sikat 'yon," saad niya.
Ang anak ni Elpido na si Cassey, sinabing nakatuwaan lang niyang mag-post ng video ng ama at hindi niya inasahan na magba-viral ito.
Hirap daw sa buhay noon si Mang Elpidio at kung ano-anong trabaho ang pinasok para masuportahan ang pangangailangan ng pamilya.
At kahit hindi sobrang nakaririwasa, nagagawa pa naman daw ni Mang Elpidio na magpalaganap ng Christmas spirit sa pamilya at kapitbahay sa pamamagitan ng gift giving.
Ang kaninyang Christmas wish, makita ang kaniyang idolo mula pa noong high school lalo pa't 71-anyos na siya. Kaya naman ang kaniyang wish, matutupad na.
Panoorin sa video na ito ng "KMJS" ang pagtatagpo nina Jose Mari Chan at Jose Mari Chan yarn? --FRJ, GMA News