Labis ang takot ng isang 21-anyos na dalaga na nakakakita umano ng mga kaluluwa, at ang mga rosaryo na ginagamit niyang proteksiyon, pinipigtas daw ng mga kakaibang nilalang.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!," sinabing nakakakita na raw ng mga espiritu si Catherine Vitug, kahit sa murang edad pa lamang niya. Sumasama pa raw ang mga ito sa kaniyang panaginip, at nagpapahiwatig ng kamatayan.

"Noong 40 days ng tita ko, seven years old po ako no'n. Nagpakita po siya sa akin pagkabukas ko ng pinto ng banyo. Nakita ko 'yung matanda na naka-white po siya. 'Yun ang una kong panaginip," kuwento ni Catherine.

"Natutulog po ako then parang humiwalay 'yung kaluluwa ko sa katawan ko," dagdag niya. "Then 'yung second po, nakapaligid po 'yung mga namatay naming kamag-anak or friends," patuloy niya.

Dahil sa kaniyang takot, nananalangin at humahawak ng rosaryo si Catherine bilang proteksyon.

Ngunit nang magtagal, sinisira umano ng mga hindi nakikitang nilalang ang kaniyang mga rosaryo. Kada magkakaroon ng bagong rosaryo si Catherine, pinuputol umano ito ng mga nilalang, kabilang na ang rosaryong nanggaling sa Vatican.

"'Yung rosary po, 'pag sinusuot ko comfortable naman po ako. Pero simula po noong mga napuputol na sila, 'pag matutulog po ako nananaginip ako na binabangungot palagi. Feeling ko po baka hindi na po ordinaryong multo, baka devil na po 'yun," anang dalaga.

Sa pagbisita sa kaniya ng paranormal researcher na si Ed Caluag, ikinuwento ni Catherine na madalas napuputol ang kaniyang mga rosaryo sa banyo, ngunit wala itong puwersa at wala ring pagsasabitan sa banyo.

Sinuri ni Ed ang banyo, pati na rin ang aura ng dalaga.

"Mayroong basag o merong butas. Kasi kapag ganiyan, may mga makakapasok, may makakalapit sa iyo. 'Yung rosary mo is 'yung naging protection mo tapos kapag may lumalapit sa iyo, nagde-defense kasi," sabi ni Ed.

"Si ate is open. Bukas 'yung crown chakra niya, bukas 'yung dito (harapan). Ibig sabihin po, any moment, any time, puwede siyang madikitan talaga," dagdag ng paranormal researcher.

Sinabi ni Ed na malaki ang posibilidad na ang nakikitang espiritu ni Catherine ang dahilan kung bakit napuputol ang mga suot niyang rosaryo.

Paalala naman ni Fr. Francis Lucas, spokesperson ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines, ang rosaryo ay hindi amulet o anting anting, at nagiging mas mahalaga kapag binabasbasan at dinadasal. -- FRJ, GMA News