Maituturing ni Angelu de Leon na "roller coaster" ang kanilang love story, pero labis ang pasasalamat niya sa asawang si Lorenzo Rivera dahil hindi siya iniwan nito sa panahon na humaharap siya sa mga pagsubok sa buhay.
Sa "Surprise Guest with Pia Arcangel," inihayag ni Angelu na ipagdiriwang nila ni Lorenzo, o Wowie, ang ika-12 taon ng pagsasama nila bilang mag-asawa.
"'Pag nari-realize namin 'yon, 'Huh gano'n na ba tayo katagal magkasama?' We don't feel the age talaga or the years together," sabi ni Angelu.
Ayon sa aktres, hindi naging biro ang pinagdaanan nila ni Lorenzo bago at noong pumasok sila sa relasyon, dahil pareho silang may pinagdadaanan.
"When we got together, roller coaster din talaga 'yung love story namin. On my part, when we found each other and we were friends prior to everything, he saw me, he really saw me at my worst," saad ng aktres.
Hanggang sa nakita ni Lorenzo ang mabuting pagbabago kay Angelu.
"He was also going through a lot, but when he saw me at my worst and then when God started to change my life, he saw it also, kaya nu'ng time na pinagtagpo na talaga kami, and to having a relationship on more serious relationship, nakita niya 'yung change, nakita niya 'yung difference," ayon sa aktres.
Doon nila napagtanto na itinadhana sila sa isa't isa, at ang Diyos ang sentro ng kanilang relasyon.
"And then because we were friends, wala akong kailangan itago sa kaniya, and siya rin, walang kailangan itago sa akin. So I think our relationship is a matter of faith, it’s a matter of friendship, it’s a matter of respect and love kasi nga sabi nga namin, 'yung biro namin, we were just talking about it rin, sabi ko, mayroon kaming sense of security sa isa't isa because hindi kami takot sa isa't isa, kasi takot kami kay Lord," ani Angelu.
"'Yun ang anchor talaga namin. When we found each other, we really made sure that God would be the center of our relationship," dagdag niya.
"If it is within our own accord lang, naku siguro, hindi namin kakayanin lahat ng pinagdaanan namin."
Mayroong isang anak sina Angelu at Lorenzo, na si Rafa. --FRJ, GMA News