Kapag pinag-usapan ang relasyon na malaki ang agwat ng edad, tila mas hinuhusgahan ang babae kapag mas bata sa kaniya ang lalaki. Pera nga lang ba ang habol ng lalaki at tumatamlay na nga ba sa romansa ang babae kapag nagkaka-edad na? Alamin ang paliwanag ng isang psycologist-sex therapist.
Kumpara sa lalaki na mas bata ang karelasyon, sinasabing mas nakatatanggap ng panghuhusga ang mga babae kapag nagkakaroon ng karelasyon na mas bata sa kaniya ang lalaki.
Kung ano-ano nga ang itinatawag sa babaeng nagkaka-edad na at luma-lovelife pa. Gaya ng nagmumurang kamatis, matrona, sugar mommy, at cougar.
May tinatawag din na "may asim po," o babaeng kaakit-kaakit pa kahit may "edad" na.
Sa isang episode ng "Share Ko Lang" ni Dra. Anna Tuazon, sinabi ng psychologist at sex therapist na si Dra. Rica Cruz, na mayroon talagang mga lalaki na nagkakagusto sa babaeng mas matanda sa kanila.
"Merong attraction to authority na parang this person can actually help me, help me learn," ani Cruz. "They want to be with someone who's, again, more mature, more established and more stable in life and there is nothing wrong with that."
May mga lalaki rin naman daw kasi na hindi nais magkaroon ng pamilya, at nakikita niya sa babae na mas may edad sa kaniya na hindi siya mangangamba na baka mabuntis niya ito.
Hindi rin naman daw ito naiiba sa mga babae na nagkakagusto sa mga lalaking mas matanda sa kanila.
"There are women who say that, 'Okay, mas okay siya kasi okay na siya sa buhay niya. Hindi na siya naghahanap ng meaning in life.' So mas stable and mas secure," patuloy ni Cruz.
Pero pagdating sa mga puna tungkol sa magkarelasyon na malaki ang agwat ng edad, may mga karaniwang puna o "stereotype" na pagtingin sa mga babae na nagkakagusto sa mas batang lalaki.
"Merong stereotype na may kinalaman ang pera [sa relasyon]," saad ni Dra. Cruz. "Merong assumption and I think its a misassumption na porke older ka, nagsusustento, nagpapaaral ka ng boy toy, parang mga ganyan."
Hindi raw dapat maging isyu ang pinansiyal sa magkarelasyon na parehong "consenting adult" kung pareho naman nila itong gusto at walang nasasaktan.
"Kung 'yung dalawang nasa loob ng relationship ay masaya doon sa ginagawa nila kasi hindi sila nagkakasakitan, walang exploitation, walang abuse, walang coercion, 'yung ibang sinasabi ng mga tao is just noise," dagdag niya.
Hindi rin umano totoo na nanlalamig na sa pakikipagsiping ang babae kapag nagkaka-edad. Paliwang ni Dra. Cruz, may mga babae na nare-charge ang interes sa romansa kapag nagka-edad na dahil nawawala na ang alalahanin gaya ng pangamba baka mabuntis pa, o wala na ring iniintinding anak.
Panoorin sa video ang buong talakayan.--FRJ, GMA News