Kinagiliwan ng netizens ang video ng napakahabang hilera ng mga pagkain na "pasabit" o regalo ng bagong kasal sa 21 pares ng kanilang mga ninong at ninang sa Rosario, Batangas.
Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, sinabing napa-#SanaAll ang maraming netizens sa video ni Marisol Guno-Banaag na makikita ang mahabang lamesa na punong-puno ng mga regalong pagkain.
Hindi inasahan ng mag-asawang sina Marisol at Cley Eryc Banaag na papatok ito sa netizens.
Ayon sa mag-asawa, 21 pares ng ninong at ninang ang kinuha nila sa kanilang kasal.
"Tradisyon na hindi lang sa kasal ibinibigay kundi pati 'yung mga ninong namin sa binyag at sa kumpil binibigyan din namin," sabi ni Marisol.
"Meron pong Maja Blanca, merong cake, may prutas, may groceries," sabi naman ni Cley Eryc.
Ayon sa mag-asawa, gumastos sila ng P150,000 para sa mga pasabit.
May mga pumuna rin umano sa video, na sinabing tila ginawa na itong negosyo ng mag-asawa.
Pero depensa ng mag-asawa, mga kamag-anak at personal nilang kilala ang kinuha nilang mga ninong at ninang.
"Hindi po sila required na magbigay. Wala kaming sinabing amount or kailangan ganito, kailangan may ibibigay sila. Basta 'yung sa amin, may maibibigay kami sa mga ninong at ninang namin," sabi ni Marisol.
Paliwanag pa ng isang historian, tradisyon na ito sa Batangas at kinagisnan na ng maraming henerasyon.
"Bago pa sa kasal bukas maraming bagay na ibinibigay para lang magsilbing paalala at magsasabing bukas na ang kasal. Ang mga bagay na dinadala namin ay nagsisilbing paalala, sabi ng historian na si Dindo Montenegro.
Umabot ng Laguna at Pampanga ang mga pasabit nina Marisol at Cley Eryc sa mga ninong at ninang.
Ikinasal sina Marisol at Eric noong Hulyo 24.
Para sa kanila, isang magandang regalo ang viral video, na mayroon na ngayong 3.2 milyong views at higit 18,000 reactions sa Facebook.--Jamil Santos/FRJ, GMA News