Para makakuha ng magagandang larawan, nakaisip ang isang Australian photographer ng bangka na hindi lang pangtubig, panghimpapawid pa.
Sa video ng "Next Now," sinabing ang "flying boat" ay ginawa ni Ben Neale para sa proyektong Gallery Earth.
Gawa ito sa inflatable floater o rubber boat, at kinabitan niya ng paramotor na ginagamit din sa paragliding.
Galing daw sa Amerika ang nasa 8,000 piyesa ng bangka na kaniyang ipina-ship at binuo na mag-isa na tumagal ng dalawang buwan.
Mula sa dagat, aarangkada ang bangka hanggang sa bumilis. Kapag may sapat na puwersa na ng hangin, aangat na ang bangka at lilipad na katulad ng paragliding.
Ilang oras na nakakalipad si Ben bago muling lalapag sa dagat. Gayunman, hindi aircraft certified ang makina ng flying boat kaya posible itong tumigil anumang oras.
Ang ginagawa ni Ben ay bahagi raw ng kaniyang misyon na inilagay ang mga larawan na kaniyang kuha sa gallery earth na layong makalikom ng pondo para sa iba't ibang non-government organization. --FRJ, GMA News