Para ma-achieve ang pangarap na magandang katawan, pagbubuhat sa gym ang ginawa ni Vin Adalia. Pero pagkaraan lang ng ilang araw, sa ospital ang bagsak niya dahil pumutok ang kaniyang baga--ang tinatawag na pneumothorax.
Sa ulat ni Dano Tingcungco sa "Dapat Alam Mo," ikinuwento ni Vin, 29-anyos, na pinangarap niyang magkaroon ng muscle at abs gaya ng iba dahil bukod sa magandang tingnan, nais din niyang maging fit at healthy.
Kaya sa tulong ng kaibigan, nag-gym si Vin noong 2019 at sinimulang abutin ang kaniyang pangarap na magkaroon ng magandang pangangatawan.
Pero sa halip na mag-unti-unti sa pagbubuhat ng mabibigat na barbel, tila nagmadali si Vin na makita kaagad ang resulta ng kaniyang pagbabatak sa gym.
"Dinadagdagan ko yung pagbubuhat ko kasi siguro na-pressure ako na gusto ko agad magbago yung katawan ko," pag-amin niya.
Ilang araw lang matapos simulan niya ang workout, sa ospital ang bagsak ni Vin.
"Biglang sumakit yung dibdib ko. Sabi ko, 'Ano 'tong nararamdaman ko parang hindi na ko makahinga.' Ang hirap, ang sakit. Dumiresto na 'ko sa ospital kasi natakot ako," sabi niya.
Nang suriin siya sa ospital, natuklasan na pumutok ang baga ni Vin, ang kondisyon na kung tawagin ay pneumothorax.
Kaagad siyang inoperahan at isinara ang bahagi ng baga na pumutok.
Pero may kinalaman nga ba ang pagbubuhat ni Vin sa gym kaya pumutok ang kaniyang baga? At sino ang mga taong peligroso sa ganitong kondisyon?
Alamin ang mga sagot at iba pang paalala para maiwasan ang peligro sa baga sa video na ito ng "Dapat Alam Mo."-- FRJ, GMA News