“Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin ninyo? Hindi ba’t iiwan ninyo ang siyamnapu’t siyam na tupa sa pastulan at hahanapin ang nawawalang isa hanggang sa ito’y matagpuan?” (Lucas 15:3-7 – Magandang Balita Biblia).
MAY mga magulang na pinapalayas o itinatakwil ang kanilang mga anak kapag sobra na itong pasaway. Kapag hindi na nila kayang supilin ang katigasan ng ulo ng kanilang anak, ang solusyon ay ang palayasin ito ng bahay.
Marahil ay napagod na sila ng pagdidisiplina sa pasaway nilang anak. At hindi na nila ito kayang rendahan pa. Kaya mas makabubuti pang palayasin na lamang nila ito. Ang katuwiran nila, baka sakaling matuto ng leksiyon at matauhan ang anak kapag wala na ito sa kanilang poder.
Kung ang ilang magulang ay nawawalan ng tiyaga at naubos na ang pasensiya sa mga pasaway nilang anak, at hinahayaan na lamang silang magpaga-gala sa kung saan-saan na para bang mga "ligaw na tupa," ngunit hindi ganoon ang ating Panginoong Diyos.
Kailanman ay hindi Siya napagod sa paghahanap sa mga "tupang" naliligaw. Katulad ng ibinibigay na mensahe sa Mabuting Balita (Lucas 15:3-7) tungkol sa Talinhaga ng “Nawawala at Natagpuang Tupa”.
Matiyagang hahanapin ni Hesus ang tupang naliligaw katulad ng inilalarawan ng Pagbasa. Nakahanda niyang iwan ang siyamnapu’t siyam para lamang hanapin ang nawawalang isang tupa. Hindi Siya titigil sa kakahanap hanggang sa ito’y Kaniyang matagpuan (Lucas 15:4).
Si Hesus ay isang “Mabuting Pastol” (Juan 10:11), hindi Niya kailanman hahayaang maligaw at mapariwara ang Kaniyang "tupa." Hindi Siya tumitigil sa paghanap sa mga tao na ang tingin ng iba ay pasaway, sakit ng ulo o salot ng lipunan.
Kung ang tingin ng ilan sa atin sa mga ganitong uri ng tao ay wala nang pag-asa at patapon na, pero para sa ating Panginoon ay kaya Niya itong bigyan ng pag-asa at pagkakataon na magbago.
“Kaya’t kung nakipag-isa na kay Kristo ang isang tao. Isa na siyang bagong nilalang, wala na ang dati niyang pagkatao. Sa halip, ito’y napalitan na ng bago”. (2 Corinto 5:17)
Kaya ganoon na lamang ang kagalakan ng ating Panginoon kung ang isang bulok sa ating paningin ay nagawa niyang baguhin. Labis ang kagalakan B]Niya kung ang isang nawawalang tupa ay muli Niyang matatagpuan. Hindi ba’t sa tuwa Niya’y papasanin Niya ito sa Kaniyang balikat? (Lucas 15:5)
Kung pansamantalang bababa kaya sa lupa ang Panginoong HesuKristo, sino sa tingin ninyo ang Kaniyang bibisitahin o pupuntahan? Ang mga pari, madre o mga pastor at ministro kaya ng simbahan? O ang mga taong makasalanan na itinuturing nating mga “tupang itim” at nagbibigay ng samu’t-saring problema sa lipunan?
Si Hesus na rin ang nagsabi na naparito Siya upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid” (Marcos 2:17). Kaya sinasabi ng Ebanghelyo na iiwan ni Kristo bilang Pastol ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang isang makasalanan (tupa).
Ang bawa’t isa sa atin para sa Kaniya ay mayroong halaga. Kahit ang mga taong kinasusuklaman dahil sa pagiging makasalanan ay may kabuluhan para sa Kaniya. Dahil tayong lahat ay minamahal ng Panginoon.
Ikaw na nagbabasa ngayon, baka isa ka sa mga tupang hinahanap ng ating Panginoon. Bakit hindi ka lumapit sa Kaniya at subukan mong magbalik sa ating Panginoon. Wala naman mawawala sa'yo, bagkos ay magkakaroon ka ng bagong pag-asa. AMEN.
--FRJ, GMA News