Isang araw matapos maglaho na parang bula ang ilang sabungero at kanilang driver noong nakaraang Enero sa Laguna, may nag-withdraw sa pera ng isa sa mga biktima gamit ang ATM sa Batangas. Ang lalaking nag-withdraw, nakuhanan ng CCTV.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing muling nakipag-ugnayan sa programa ang ilang kaanak ng nawawalang sabungero dahil sa nakuha nilang mga bagong footage na maaaring makatulong sa paghahanap sa kanilang mga kaanak.

Nitong nakaraang Enero 12 nang magtungo sa isang sabungan sa Sta. Cruz, Lagunan ang driver na si Melbert John Santos, kasama ang tatlong iba pa na nagbibitaw ng manok at nagtatari.

Kasama rin ng grupo ang "person of interest" sa kaso ang financier at may-ari ng mga panabong na manok na si Julius Javillo, na hindi pa rin nakikita ng mga awtoridad hanggang ngayon.

Ang grupo ni Santos ay kabilang sa 32 katao na nawala na parang bula matapos magpunta sa iba't ibang sabungan. 

Kabilang sa ipinakita ng mga kaanak ng nawawalang sabungero na kasama ni Santos ang kuha ng CCTV sa isang barangay matapos umalis ng madaling araw ang sasakyan mula sa sabungan.

Pero hindi na nila matiyak kung lulan sa sasakyan ang kanilang mga kaanak dahil sa tinted ang sasakyan. May locator naman sa cellphone ang isa sa mga nawawalang sabungero at naispatan ito na kung saan-saan nagpunta hanggang sa ma-lowbatt na ang cellphone.

Hindi rin matiyak kung kasama pa ba na nagpalipat-lipat ng lugar ang nawawalang sabungero o bitbit na ng ibang tao ang cellphone.

Ang grupo ni Police Colonel Randy Glenn Silvio, hepe ng CIDG-NCR Field Unit, na nagsisiyasat sa kaso ng mga nawawalang sabungero, nakakuha ng kopya ng CCTV sa ginawang pag-withdraw ng isang matipunong lalaki sa pera ni Santos sa ATM sa isang grocery store sa Lipa, Batangas.

Ayon kay Silvio, kapansin-pansin na hindi sa lalaki ang ATM card na ginagamit dahil tinitingnan pa niya ang pin code nito.

Sinabi ng asawa ni Santos na mahigit P29,000 ang nasimot sa ATM card ng kaniyang mister. Hindi raw gawain ng kaniyang asawa na simutan ang laman ng ATM.

Kaugnay sa paglabas ng larawan ng lalaking nag-withdraw ng pera gamit ang ATM ni Santos, may nagmalasakit na tao na pag-alok ng pabuyang P250,000 sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng naturang lalaki.

Siya na nga kaya ang maging susi para malutas ang kaso o isa sa mga kaso ng mga nawawalang sabungero? Panoorin ang buong report ng "KMJS." --FRJ, GMA News