“Narinig ninyo na iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno. 'Huwag kang papatay, ang sinomang pumatay ay mananagot sa hukuman.' (Mateo 5:21 – Magandang Balita Biblia)
HINDI natin mapapasubalian ang katotohanan na kinakasangkapan ng diyablo ang ating galit upang tayo’y mahulog sa kaniyang bitag upang makagawa ng kasalanan.
Tingnan na lamang natin ang mga mala-sardinas at masikip na bilangguan. Ang ilan sa mga kapatid natin na nakakulong ay biktima mismo ng kanilang matinding galit o poot. Ito ang nagsadlak sa kanila sa ganoong kalagayan.
Minsan, may napanood akong dokumentaryo ng isang bilanggo na may magandang trabaho. Nagtapos siya sa isang kilalang unibersidad, at mataas ang naging marka sa board examination.
Ikinuwento nito sa panayam na kaya siya nakulong ay dahil napatay niya ang kaniyang asawa bunga ng matinding selos. Panibugho at galit ang nagtulak sa kaniya para makagawa ng krimen.
Nang dahil sa sobra niyang galit, mistulang isang gusali na gumuho ang lahat ng kaniyang itinayo. Nagsikap siya para magkaroon ng magandang kinabukasan ang kaniyang pamilya. Pero winasak ng matinding poot ang lahat ng kaniyang magandang pangarap.
Ano ba ang “aral” sa kuwentong ito? Kapag tayo’y nagpabulag at nagpadala sa ating galit, maaaring nakaamba rin sa atin ang kapahamakan. Walang iniwan sa isang leon na nakahandang silain ang kaniyang biktima katulad sa kuwento nina Cain at Abel.
Sa kuwento nina Cain at Abel (Genesis 4:1-16), selos at galit din ang nagtulak kay Cain para patayin ang kaniyang sariling kapatid. Kaya ang paalala sa kaniya ni Yahweh: “Ang kasalanan ay tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka”. (Gen. 4:7)
Kapag tayo’y nahimasmasan na at nawala na ang ating galit, doon pa lamang natin napagtatanto na nakagawa pala tayo ng isang bagay na habambuhay nating pagsisihan. Katulad sa kuwento nina Cain at ng mister.
Kaya muli tayong pinapaalalahanan ngayon ng Mabuting Balita (Mateo 5:20-26), na sikapin nating maging mahinahon at huwag magpadala o magpabulag sa ating galit.
Sapagkat gaya ng sinasabi sa Pagbasa: “Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang napopoot sa kaniyang kapatid ay mananagot sa hukuman” (Mt. 5:22). Sa halip na pairalin natin ang ating poot, mas makabubuting pairalin ang kahinahunan at pang-unawa. Pag-usapan ang problema.
Ang utos ng Panginoon na huwag kang papatay ay hindi lamang nakatuon at nakabatay sa pagkasawi ng isang tao. Nakabatay din ito sa lahat ng bagay na maaaring magdulot ng sakit ng kalooban para sa taong pinapatungkulan natin.
Nangangahulugan din ito ng mga masasama at masasakit na salitang binibitiwan natin. Tandaan lamang natin na napakahirap paghilumin ang sugat na idinulot ng masasakit na salita na tumagos sa ating puso.
Gamitin natin ang mga magandang pananalita upang palakasin at maiangat natin ang moral ng ating kapuwa. Huwag tayong gumamit ng mga salitang walang kapakinabangan.
Kaya ang paalala ng Ebanghelyo, na kapag tayo’y mag-aalay ng handog sa dambana para sa Diyos, at naalala natin na may sama tayo ng loob sa atin ating kapatid, iwan muna natin ang ating handog upang makipagkasundo muna sa ating kapatid. (Mateo 5:23-24)
Kaya’t sa mga pagkakataong may hindi pagkakaunawaan at pagtatalo tayo sa ating kapatid, itinuturo sa atin ng Pagbasa na iwasan natin itong humantong sa ating galit at poot. Hangga’t maaari ay sikapin natin itong idaan sa maayos at mahinahong pag-uusap.
MANALANGIN TAYO: Panginoon, tulungan Mo po kaming huwag mabulag ng aming galit. Nawa’y tulungan Mo kami na maging mahinahon upang huwag kaming mabitag ng pagkakasala na magpapahamak sa amin. AMEN.
--FRJ, GMA News