Ang kapayapaang ibinibigay ni Hesus ay ang kapayapaan ng ating puso’t isipan na hindi kayang ibigay ng mga materyal na bagay na mayroon tayo (Juan 14:27-31).

MADALAS sinasabi ng mga taong namumuhay sa kahirapan na masuwerte daw ang mga mayayaman. Sapagkat ang paliwanag nila, ang lahat ng magagandang bagay na mayroon dito sa ibabaw ng lupa ay tinataglay ng mga taong nakaririwasa sa buhay.

Samantalang sila na dukha ay mistulang pinagkaitan ng magandang kapalaran at oportunidad. Dahil naging mailap sa kanila ang suwerte at kasaganahan sa buhay.

Ngunit sa totoo lang, mayroong mayayaman na naiinggit sa mga mahihirap. Bagama’t payak o simple lang pamumuhay ng mga dukha, hindi naman masyadong komplikado ang kanilang buhay.

Higit na payapa rin ang puso't isipan ng mga mahihirap kumpara sa mayayaman. Dahil na rin marahil sa mas kakaunti lang ang iniisip na pangangailangan ng mga mahihirap--ang makakain sa araw-araw.

Maaaring ang lahat ng magagandang bagay at tinatamasa ng mayayaman. Subalit mayroon sa kanila ang problemado pa rin at hindi masaya. Wala silang kapayapaan sa puso at isip. Lagi silang balisa at nag-aalala kung papaano patuloy na yayaman, at papaano mapoprotektahan ang kanilang yaman.

Puno rin ng pagdududa ang ibang mayayaman na nag-iisip na baka sila nakawan ng yaman--tauhan, kamag-anak, kasosyo, o maging ng sariling kapamilya. At sa panahon na mawala na siya, baka mag-away-away pa ang mga maiiwan niya dahil sa nalikom niyang yaman.

Ngunit ang mayaman na buong buhay na pinagod ang sariling isip at katawan para magkamal ng napakaraming pera, sa huli, wala siyang madadala ni isang sentimo sa kabilang-buhay.

Mas mainam pa pala ang mga taong mahirap. Kahit tuyo o sardinas lamang ang kanilang pinagsasaluhan, payapa silang nakakatulog sa gabi. Magsisikap lang silang kumayod upang may makain muli. Kung nakakaramdam man sila ng pagkabalisa at pag-aalala, marahil ay hindi kasing bigat ng mayaman na milyon o bilyon ang pinoproblema.

Ito ang mensahe ng Panginoong HesuKristo sa Mabuting Balita (Juan 14:27-31) matapos niyang sabihin sa mga Alagad na, “Kapayapaan ang Kaniyang iniiwan at ang Kaniyang kapayapaan ang Kaniyang ibinibigay. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay sa atin ng mundo”.

Ang kapayapaang ipinagkakaloob ng "mundo" ay ang kapayapaan kapag mayroon kang salapi. Subalit papano kung biglang maglaho o maubos ang salapi? Saan mo hahanapin ang kapayapaang hinahanap mo na dulot ng mga materyal na bagay?

Subalit ang "kapayapaang” tinutukoy ni Hesus sa Ebanghelyo ay hindi ang kapayapaang naka-angkla sa mga materyal na bagay. Sa halip, naka-angkla ito sa pananampalataya sa Kaniya bilang ating Panginoon at tagapagligtas.

Matatagpuan natin ang totoong “kapayapaan” kung papapasukin natin si Hesus sa ating buhay. Sapagkat ang tunay na kapayapaan ay matatagpuan lamang natin kay Kristo. Hindi kailanman tayo magiging payapa kung wala tayong kinikilalang Diyos. AMEN.

--FRJ, GMA News