Maaari nga bang pasanin ng anak ang naging utang ng kaniyang magulang na hindi na kayang magbayad ng kaniyang obligasyon?
Isang netizen na si Alice ang dumulog sa programang "Sumbungan Ng Bayan" upang humingi ng legal na payo tungkol sa ina na mayroong pagkakautang.
Tanong niya, "Ang utang po ba ng nanay ay [maaaring] ipasa sa anak dahil incapable na po ang nanay dahil bumagsak ang negosyo at walang trabaho?"
Ayon kay Atty. Conrad Leaño, as a rule, hindi automatic na maipapasa sa mga anak ang utang ng magulang.
Kadalasan daw kasing personal na usapin ang pag-utang.
Ngunit maaaring habulin ng nagpautang ang anak ng nangutang kung ang anak ay pumayag na maging "guarantor" o "co-maker" ng kaniyang magulang para makautang.
"In that event, puwedeng habulin yung anak," ani Leaño.
Bagaman hindi obligado ang anak na pasanin ang utang ng mga magulang, sinabi ni Leaño na bilang mga Filipino, ayaw natin na matawag na "balasubas," o tumatakbo sa pagkakautang ang ating mga magulang.
"So kung sakaling ang anak ay papayag na i-assume ang utang that would be ok. Pero later on halimbawa yung anak magkaroon ng problema, kinailangan niya yung pera, hindi niya na maaaring bawiin yung naibayad niya sa taong nagpautang sa kaniyang magulang," paliwanag ng abogado.
Sa madaling paliwanag ng programa, hindi obligado pero hindi puwedeng saluhin ng anak ang utang ng magulang. --FRJ, GMA News