Pagsikapan natin na makamtan ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. (Juan 6:22-29). “Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan. Kundi ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:27 – Magandang Balita).
NAGBIGAY ng babala si Hesus matapos niyang wikain na dapat tayong mag-ingat sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat ang buhat ng tao ay hindi nasusukat sa dami ng kaniyang kayamanan kahit siguro siya pa ang pinaka-mayaman.
“At sinabi ni Hesus sa kanilang lahat. “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kaniyang kayamanan”. (Lucas 12:15)
Kasunod nito ang pagsasalaysay ng Panginoon ng isang Talinghaga tungkol sa isang lalaking mayaman (Lucas 12:13-21) na umani ng sagana sa kaniyang bukirin. Subalit sa kabila nito’y hindi pa rin siya nakontento.
Pinagiba ng lalaking ito ang kaniyang kamalig at doon niya inilagak ang lahat ng kaniyang ari-arian. Hindi lamang basta nadagdagan ang kaniyang kayamanan, kundi lalo pang dumoble ang kaniyang ari-arian. (Lucas 12:17-18)
Kaya inakala ng lalaking mayaman na isa na siyang “achiever”. Sapagkat ipinapalagay nito sa kaniyang sarili na narating na niya ang tugatog ng kaniyang tagumpay dahil sa dami ng kaniyang kayamanan at mga ari-arian. (Lucas 12:19)
Ito ang ginagamit niyang sukatan upang masabi niya sa sarili na isa siyang matagumpay na tao. Sapagkat sa ibabaw ng mundo, ang pagkakaraoon natin ng maraming kayamanan ang ginagawang na pamantayan ng mga tao para ikategorya siya bilang isang taong matagumpay.
Ngunit mababasa rin sa huli ng Talinghaga na binawian ng buhay ang lalaking mayaman. Kaya ang tanong dito ay kanino kaya mapupunta ang lahat ng kaniyang ipinundar para sa sarili?
Maaaring siya ang pinakamayaman sa mata ng mga tao, subalit siya naman ay dukha sa paningin ng Diyos. (Lucas 12:20-21).
Hindi kasalanan ang maging isang mayaman. Ang naging kasalanan ng lalaking mayaman sa Talinhaga, naging maramot siya at hindi ibinahagi sa mga nangangailangan ang natanggap na mga biyaya. Inakala din niya na ang dami ng kaniyang kayamanan ang tunay na tagumpay.
Inakala din ng lalaking ito na ang pagkakaroon ng kayamanan ang sukatan ng kaniyang buhay. Para bang ito na lamang ang pinakamahalaga sa mundo. Nakalimutan niyang ang Panginoon ang siyang nagkaloob ng kaniyang kayamanan.
Kaya ang mensahe ngayon ng Panginoong Hesus sa Mabuting Balita (Juan 6:22-29) na “Huwag ang pagkaing nasisira ang ating pagsikapang kamtan. Kundi ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan”. (Juan 6:27)
Si Hesus ay hinahanap ng mga tao kung kaya’t Siya’y sinundan nila kung saan Siya naroroon. (Juan 6:22-25). Sila ang mga taong nakakain ng tinapay at isdang pinarami ng Panginoon mula sa iilang piraso. (Limang tinapay at dalawang isda). (Juan 6:1-15)
Kung kaya ang winika sa kanila ni Hesus: “Pakatandaan ninyo. Hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kung hindi dahil sa nakakain kayo ng tinapay at nabusog”. (Juan 6:26)
Katulad ng lalaking mayaman sa Talinghaga at mga taong naghahanap kay Hesus sa Ebanghelyo, mas pinahahalagahan nila sa kanilang buhay ang mga materyal na bagay o kayamanan gaya ng “pagkaing nasisira”.
Ginugol ng lalaking mayaman sa Talinghaga (The Parable of the Rich Fool) ang buong buhay niya upang magkamal ng limpak-limpak na kayamanan at nakalimutan niya na mas mahalaga ang pananampalataya sa Diyos na siyang tunay na kayamanan.
Ganito din ang pagtingin ng maraming taong sumunod kay Hesus. Hindi nila nakikita na mas dapat nilang pagtuunan ng pansin ang pananalig sa Panginoong Diyos. Tulad ng isang “pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan”.
Inaanyayahan tayo ngayon ng Pagbasa na pagsikapan natin kamtan ang pagkaing nagbibigay buhay sa pamamagitan ng malalim na pananampalataya kay HesuKristo. Sa halip na gugulin natin ang buhay sa pagkaing nasisira. kagaya ng ginawa ng mayamang hangal sa Talinghaga. AMEN.
--FRJ, GMA News