Nahaharap sa kaso ang isang lalaking turista matapos niyang idaan sa makasaysayang Spanish Steps ng Roma sa Italy ang minamaneho niyang luxury car, dahilan para masira ang tanyag na landmark.
Sa isang CCTV footage, na mapapanood sa GMA News Feed, makikitang napatigil sa gitna ng sikat na hagdan ang kotse, bago bumaba ang 37-anyos na driver na taga-Saudi.
Tila balisa ang lalaki at nalilito kung paano niya aalisin ang kaniyang sasakyan.
Hindi na ipinakita sa video pero ayon sa pulisya, itinuloy ng driver ang pagbaba sa 136 na hakbang ng hagdan bago tuluyang tumakas.
Nahuli ng mga awtoridad ang lalaki dahil nirentahan lang niya ang kotse habang ibinigay naman ng rental company ang detalye ng suspek.
Nadakip siya sa Malpensa aiport nang ibalik ang nirentahang sasakyan.
Ayon sa suspek, nagkamali siya ng liko kaya siya napunta sa Spanish Steps o mas kilala sa Italy bilang Scalinata di Trinita dei Monti.
Pamoso itong landmark na itinayo noong 1726 at nasa ilalim ng pangangalaga ng Superintendence for Cultural Heritage ng Roma.
Matapos ang insidente, nasira ang dalwang hakbang ng hagdan, at nakitaan din ng mga crack at gasgas ang iba pang bahagi ng 300 taong gulang na landmark.
Sumailalim sa dalawang taong restoration ang makasaysayang landmark simula 2016, na umabot sa gastos na $1.6 milyon o katumbas ng P84 milyon.
Dahil sa mga panibagong pinsala, kakasuhan ang turista ng aggravated damage to cultural heritage and monuments.--FRJ, GMA News