Dahil sa kinasangkutang aksidente noon na ikinasawi ng kaniyang kaibigan, mas natutuhan ni David Licauco na pahalagahan ang buhay, pamilya, at ang pakikipagkaibigan. Ang pangalawa niyang buhay, utang daw niya sa isang parking boy na nagsabi sa kaniya na magsuot ng seatbelt.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi ni David ang kinasangkutan niyang vehicular accident noong 2013 habang pauwi na mula sa Tagaytay.
Ayon kay David, hindi siya ang nagmamaneho ng kanilang sasakyan na nahati sa lakas ng pagbangga nila sa isang truck na nangyari sa SLEX.
"Kumalahati 'yung kotse. Nasa harapan po ako. I had a seatbelt injury. I couldn't breathe," kuwento niya.
Naalala pa ni David ang kaniyang kaibigan na kinuha pa ang kaniyang phone para matawagan ang kaniyang ina.
"Pero he got into a coma and eventually passed away," ayon kay David.
Nakaligtas si David dahil sa nakasuot siya ng seatbelt na kaniyang ipinagpapasalamat sa isang parking boy attendant na nagsabi sa kaniya na mag-seatbelt.
"Kapag bata ka po, ayaw n'yo mag-seatbelt kasi parang hassle eh. And then, may parking boy. For some reason, nandu'n siya sa side ko. And then, sabi niya sa akin, 'Sir, seatbelt po ah. Ingat lang po kayo.' That stuck in me," kuwento ng aktor.
"Nag-seatbelt po ako. And kung hindi po dahil sa parking boy, eh, wala po tayong interview ngayon," dagdag niya.
Aminado si David na may pagkakataon noon na sinisisi niya ang sarili dahil sa paghikayat sa kaibigan na sumama.
Nagkaroon din umano siya ng trauma noon na dumaan sa SLEX pero Ok na siya ngayon.
Isa rin umano ang naturang aksidente kaya nabawasan na ang paglalaro niya ng basketball "kasi yung best friend ko na nawala, he really pushes me to play basketball every day."
Ang naturang trahediya, nagturo kay David na mas bigyan ng pagpapahalaga sa buhay, pamilya, at mga kaibigan.
"I think it's just a matter of valuing your friends and family, your loved ones because you never know. Baka tomorrow may mawala po," aniya.
"I think it's always nice to let your friends and family know that you love them and you care for them," sabi pa ni David. —FRJ, GMA Integrated News