Hindi maiwasan ni Princess na maiyak kapag binabalikan ang nangyaring pang-aalipusta sa kaniya noon dahil sa kaniyang hitsura bunga ng pilat na iniwan nang operahan siya sa kaniyang bingot.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing isinilang ni Arlene ang kaniyang anak na si Princess na may cleft lip and palate.
Kaagad naman naiayos ang bingot ni Princess. Pero nag-iwan ito ng pilat sa kaniyang labi at nananatili rin ang disporma sa kaniyang ilong.
Sa paglaki ni Princess, nakaranas siya ng pang-aalipusta mula sa mga taong mapanghusga. Kahit ang ilang inakala niya kaibigan, natuklasan niya may hindi rin magagandang sinasabi tungkol sa kaniya kapag nakatalikod na siya.
Ang mga panlalait ay nakaapekto sa personalidad ni Princess. Hindi raw siya makalabas ng bahay nang walang panyo o anuman na puwede niyang ipangtakip sa kaniyang ilong at labi.
Dahil nagtatrabaho sa ibang bansa ang kaniyang ina, ang kaniyang lolo ang naging sandalan ni Princess.
Pero kahit ang kaniyang lolo na may kapansanan din sa paa, hindi rin nakaligtas sa mga mapanghusga. Naranasan pa raw nila ang batuhin.
Sa kabila nito, nag-iwan pa rin sa kaniya ng magandang payo ang kaniyang lolo na mag-aral siyang mabuti huwag pansinin ang mga nanlalait sa kaniya. Bagay na sinunod niya at pinagbutihan lalo ang pag-aaral.
Ang kaniya namang ina, nagsikap sa pagtatrabaho sa abroad, hindi lang para mabigyan siya ng magandang buhay, kung hindi para makaipon din ng pera para maipaayos ang kaniyang hitsura upang hindi na siya laitin.
Hanggang sa dumating na ang pinakahihintay na raw ni Princess. Sa pag-uwi ng kaniya ina, handog nito ang regalo na magpapabago sa kaniyang buhay.
Tunghayan sa video ng "KMJS" ang resulta ng isinagawang operasyon kay Princess, na nakaranas pambu-bully dahil lang sa kaniyang hitsura. Panoorin.--FRJ, GMA News