Halos maiyak sa tuwa ang 25-anyos na si Jasmine Cabiad nang sa unang pagkakataon sa loob ng dalawang dekada ay malinaw na siyang nakakakita kahit wala siyang suot na salamin na mahigit 1000 ang grado. Nangyari ito matapos siyang operahan sa mata.

Sa programang "Pinoy MD," napag-alaman na isang photographer si Jasmine kaya mahalaga sa kaniya ang magkaroon ng malinaw na paningin.

Kaya lang, mayroong kondisyon ang mga mata ni Jasmine na high myopia o near-sightedness.  

Kaya kailangan niyang magsuot ng salamin o contact lens na mayroong grado na umabot na sa 1025.

"Kapag wala pong salamin o contact lens sobrang blurred talaga. Kapag magse-cellphone po ako sobrang lapit na," saad niya.

Hinala ni Jasmine, ang madalas niyang paggamit ng gadget ang dahilan ng paglabo ng kaniyang paningin.

Dahil sa taas ng grado ng kaniyang salamin, nangangamba si Jasmine na baka dumating ang araw na hindi na siya makakita.

Nagkonsulta siya sa espesyalista sa mata kung ano ang maaaring gawin. Plano lang sana noon ni Jasmine na magpa-lasik surgery pero pinayuhan siya ng duktor na sumailalim na sa tinatawag na "clear lens extraction."

Dahil may kataasan ang halaga, nagdoble kayod muna si Jasmine para mapag-iupunan ang pampaopera.

At kamakailan lang, sumailalim na si Jasmine sa clear lens extraction operation na isinagawa ni Dr. Noel Lacsamana.

Gising nang operahan si Jasmine at tumagal lang ang proseso ng 15 minuto.

Matapos ang operasyon, pinaupo siya sa pinabasa sa operasyon na malayo sa kaniya. Kahit wala siyang salamin, malinaw itong nabasa ni Jasmine.

"Naiiyak ako," madidinig na sinabi ni Jasmine sa video matapos ang operasyon.

Pero sinabihan siya ni Lacsama na huwag umiyak at huwag kusutin ang kaniyang mga mata.

Ano nga ba ang ginawa sa mga mata ni Jasmine para luminaw at magkaano ang halaga clear lens extraction operation? Totoo nga bang may kinalaman ang madalas na paggamit ng gadgets sa paglabo ng mga mata?

Alamin ang mga kasagutan sa tanong sa video ng "Pinoy MD."

--FRJ, GMA News