Dahil sa pagiging alisto at kaalaman ng isang guro kung papaano gawin ang Heimlich maneuver, nasagip niya mula sa tiyak na kapahamakan ang kaniyang batang estudyante na aksidenteng nalunok ang takip ng bottled water.
Sa GMA News Feed, ipinakita ang CCTV footage sa loob ng isang classroom sa New Jersey, USA, kung saan nangyari ang insidente.
Ang siyam na taong gulang na estudyante si Robert, makikitang isinubo ang isang bottle water. Habang nasa bibig niya ang bote, bumulwak ang tubig at nalunok niya ang takip nito.
Tumakbo muna si Robert sa lababo at doon tila sinubukan niyang maisuka ang takip. Pero nang nabigo siya, tumakbo na siya sa kaniyang guro na si Janiece Jerkins habang itinuturo ang leeg.
Hindi na nag-aksaya ng panahon si Jerkins at kaagad niyang pinatalikod si Robert at isinagawa ang Heimlich maneuver.
"He was pointing to his neck and he was all flustered. He can't talk so then I just turn him around, perform the Heimlich maneuver," kuwento ng guro.
Ilang saglit lang, nailuwa na ni Robert ang takip at nakahinga na siya nang maluwalhati.
Papaano nga ba ginagawa ang Heimlich maneuver na isang life server technique sa mga nabubulunan? Panoorin ang video. -- FRJ, GMA News