Makikita sa social media ang mga post ng iba't ibang klinika na nag-aalok ng serbisyong chiropractic therapy o pagpapalagutok ng buto. Ano nga ba ang benepisyo nito sa katawan?
Sa programang "Dapat Alam Mo," sinabi ni Dr. Ronald Samaniego, isang licensed chiropractor at doctor of physical therapy, na ginagawa ang chiropractic therapy para maalis ang pananakit ng katawan at malunasan ang ilang problema sa gulugod.
"It helps na nare-relieve ‘yung stiffness at nakakatulong siya na napapaluwag ang katawan mo sa paggalaw," ayon kay Samaniego.
"Ina-address niya yung neuromuscular at tsaka yung musculoskeletal aspect ng tao. Nakakatulong siya para i-decrease ang pressure," patuloy niya.
Ipinaliwanag din ni Samaniego na maraming dahilan kung bakit maaaring kailanganin ng tao ang naturang serbisyong pagkalusugan.
"One is nagbago 'yung activity all of sudden sedentary na or it can be an injury," paliwanag niya.
Maaari din naman umanong magpamasahe o hilot ang isang tao na nakakaramdaman ng pananakit ng katawan. Pero kung hindi umano nawawala ang sakit, mabuting kumonsulta na sa espesyalista.
Hindi rin kaagad-agad pinapalagutok ang buto dahil kailangan munang suriin ang pasyente bago isagawa ang chiropractic therapy.
"Namamaga ang likod mo or grabe ang pain mo, kailangan munang suriing mabuti bago tayo magpagawa nito," ani Samaniego.
"Worst case scenario, death, 'pag ginawa yan sainyo pwede kayong mamatay, pwedeng ikamatay, pangalawa is long term disability," patuloy niya.
Umaabot umano ng 30 minuto hanggang isang oras ang isang session depende sa kondisyon ng pasyente.
Ang bayad naman depende sa kondisyon ng pasyente, naglalaro ng mula P800 hanggang P3,500, ayon kay Samaniego.
Nilinaw din niya na hindi ito gagawin ng isang beses lamang.
"Kaya siya tinatawag na therapy kasi kailangan natin baguhin yung muscle memory ng katawan mo," paliwanag ng doktor. —FRJ, GMA News