Natunton at "nasagip" ng mga awtoridad ang 11-anyos na babaeng taga-Malabon sa bahay sa Quezon ng 28-anyos na lalaking nakilala niya sa mobile game. Inaresto ang lalaki, pati ang kaniyang ina.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa "24 Oras Weekend" nitong Linggo, kinilala ang inarestong lalaki na si Rodolfo Maglaque Jr., 28, at ang kaniyang ina na si Aniseta Dacer, 58, ng Barangay Mayao Crossing sa Lucena, Quezon.

“Hindi namin alam na menor de-edad ang dalagita,” ayon kay Dacer nang tanungin ng mga awtoridad.

Ayon sa ina ng dalagita, Abril 12 nang umalis sa kanilang bahay sa Malabon ang kaniyang anak.

“Wala po siyang pinaalaman kahit sino. Hindi na po ma-contact ang cellphone niya – patay na po,” sabi ng ina.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagkakilala ang dalawa sa mobile game.

“Niligawan doon sa chat which is na-convince naman ang bata,” sabi ni Police Colonel Albert Barot, hepe ng Malabon Police.

Giit ni Maglaque, ang dalagita ang nagpunta sa Quezon na mag-isa at sinundo lang niya sa bus terminal sa Lucena.

“Gusto niya raw po lumayo sa magulang niya. Puwede naman po siya sa amin muna. Hindi ko po siya agad naisoli sa barangay. Yun po ang pagkakamali ko,” paliwanag ng lalaki.

“Sabi ko nga po sa kaniya hinahanap ka ng nanay mo. Kapag ako may pera talagang dadalhin ko siya dito. Wala na pong barangay ng araw na yun kaya hindi na-i-report,” ayon naman kay Dacer.

Ayon sa suspek, unang pagkakataon niyang nakita ang dalagita noong Martes Santo matapos ang isang buwan na pag-uusap. Mayroon na rin umanong nangyari sa kanila na pareho nilang ginusto.

Giit ng ina ng dalagita, “Alam mo yung anak ko 11 years old na walang kalaban-laban. Inano niya ang utak ng anak ko kahit pa sabihin mo na gusto ng anak ko, siyempre bata yan eh. Maniniwala yan sa kanya dahil maganda ‘yung sinasabi niya.”

Sinabi ng ina ng dalagita, na napansin niya ang pagbabago sa ugali ng anak matapos itong magpunta sa Lucena.

“Sobrang hirap nang pinagdadaanan ng pamilya ko ngayon. Hindi ko lang mailabas ang galit ko kasi syempre ang anak ko ay pinoprotektahan ko rin. Hindi ako puwede panghinaan ng loob dahil sa kalagayan niya ngayon,” anang ina.

Sinabi ng pulisya na sasampahan ng reklamong statutory rape at child abuse ang mag-inang Maglaque at Dacer.

“In the case of statutory rape, kahit may consent pa doon sa minor it is still considered as rape since minor ang ating biktima," paliwanag ni Barot.

Ayon sa suspek, wala siyang kasalanan sa nangyari.

"Biktima lang din ako kasi tumulong lang ako. Pati nga nanay ko naapektuhan din," pahayag niya.

“Pasensiya. Huwag naman sana nila akong idamay. Sa anak ko na lang kasi ako po ay matanda na,” pakiusap ni Dacer, na nakapiit sa Malabon police station kasama ang kaniyang anak.--FRJ, GMA News