Nakakabiyahe na sa iba't ibang panig ng mundo, kumikita pa. Iyan ang Pinay na tubong-Laguna na posibleng makapagtala pa ng "record."
Sa video ng Public Affairs Exclusives, sinabing umaabot sa P100,000 kada buwan ang kinikita ng travel vlogger na si Kach Umandap, 33-anyos.
Dating office worker sa isang oil company si Kach na pangarap noon na maging diplomat para makarating sa iba't ibang bansa.
Taong 2013 nang nagbitiw siya sa trabaho at ginawa ang kaniyang pangarap na bumiyahe.
Aniya, plano lang sana niyang "magpahinga" ng six months para alamin sa sarili kung ano ang gusto niyang mangyari sa kaniyang buhay.
"Babalik ba ako sa Pilipinas, mag-aaral ba ako ulit, mag-a-apply ba ako ng trabaho sa Europe, o mag-i- stay sa Middle East," kuwento niya.
Kumonsulta raw siya sa ibang travellers sa mga lugar na kaniyang pinuntahan at doon siya nakaisip ng ideya kung papaano siya puwedeng kumita sa pagbibiyahe.
Kaya mula sa pagiging office girl, nakarating na si Kach sa 170 bansa at teritoryo...and still counting.
Nakarating na rin si Kach sa ilang bansa na hindi madalas pinupuntahan tulad ng North Korea at Turkmenistan.
At kapag narating ni Kach ang nalalabing 46 bansa sa kaniyang listahan, posibleng makapagtala siya ng record bilang unang Pinay na nalibot ang mundo gamit ang Philippine passport.
Papaano nga ba siya kumikita sa kaniyang pagbiyahe at ano ang other side o hirap sa masarap niyang ginagawa? Alamin ang buong kuwento ni Kach sa video. Panoorin.
--FRJ, GMA News