Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na nangholdap umano sa e-sabong outlet sa Rosario, Cavite. Ang suspek na isang kontratista ng ipinapagawang mga bahay, malaki umano ang naipatalo sa naturang uri ng sugal.
Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Christian Rodriguez, 40-anyos.
Tatlong beses na raw tumataya sa naturang e-sabong outlet ang suspek na kaniyang hinoldap.
Nitong nakaraang Huwebes, bumalik siya tumaya muli pero natalo na naman ng malaki. Pilit daw nitong isinasangla ang kaniyang motorsiklo pero hindi pumayag ang supervisor ng tayaan.
“Malaki [ang pusta] sunod-sunod na talo kaya namumuwersa siya na isangla yung motor, [nung hindi pinayagan] naglabas ng baril tinutukan na lang yung mga teller,” kuwento ni "Jimmy," empleyado sa e-sabong station.
Ayon sa Rosario Police Station, nasa P380,000 umano ang natangay ng suspek sa e-betting station.
Sinabi pa ng pulisya na may mga nagrereklamo rin na nagpagawa ng bahay kay Rodriguez dahil hindi tinapos ang mga proyekto.
“Almost, P200,000 ang natalo. Kasi siya ay kilala roon, after ng around ng mga 4 a.m. hinoldap niya ito," ayon kay Police Lieutenant Colonel Ruther Saquilayan, hepe ng Rosario police.
"Wala siyang magawa kung hindi magsabong at base sa mga nakakausap namin na mga bahay na kinuhanan niya ng contract ito ay may mga advance na malalaking halaga,” patuloy ni Saquilayan.
Nanawagan naman ang kinakasama ni Rodriguez na sumuko na siya.
“Sa akin naman po gusto ko po siyang sumuko, kasi kawawa naman po hindi naman po masamang tao yung asawa ko. Ewan ko lang po kung bakit nangyari sa kanya. Hindi ko po alam din na siya ay magkakaganun kaya yun lang po ang masasabi ko,” ani Madel Ebong.
Sinampahan ng pulisya ng reklamong robbery ang pinaghahanap pa na si Rodriguez.—FRJ, GMA News