May bahagi ng latian sa Veruela sa Agusan del Sur sa Mindanao na bumubulwak ang tubig at tila amoy-gas. Kapag sinindihan, nagliliyab ito. Posible nga kayang may mina ng natural gas sa lugar?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," pinuntahan ng ilang kalalakihan ang tinatawag nilang "Bukal-Bukal" kung saan naroroon ang bumubulwak na tubig at nagliliyab.
Hindi naman daw mapanganib ang pagsisindi nila ng apoy dahil nakokontrol nila ito sa dahon na kanilang inilalagay.
Ang nasabing latian ay sakop ng 600 hektaryang lupain sa Barangay San Gabriel na pag-aari ng pamilya ni Joseph Vidal, na nagmula pa raw sa kanilang lolo.
Dahil amoy-gas ang tubig sa Bukal-bukal, hinihinala nila Vidal na baka may mina doon ng natural gas. Payag naman sila na magkaroon doon ng pag-aaral ang kinauukulang ahensiya ng pamahalaan basta't tutukan lang ang mga residente.
Apat na kilometro mula sa Bukal-bukal, nakatayo ang bahay nina Joy Cuizon. At noong 2006 ay naghukay sila para gumawa ng poso upang may mapagkunan ng tubig.
Pero sa kanilang paghuhukay, may bumulwak na putik na may halong tubig na amoy-langis. At nang sindihan nila ang putik, nagliyab ito na kulay asul ang apoy.
Naglagay sila noon ng tubo na nagsilbi nilang kalan kaya nagkaroon sila ng libreng lutuan. Pero pagkaraan ng ilang taon, dumami ang estrukturang itinayo sa kanilang lugar at natabunan na ang lupa at natigil na rin ang pagliliyab ng apoy.
Sa katabing bayan ng Bunawan, makikita naman ang Magsagangsang creek, at may bahagi rin sa latian may bumubulwak na tubig at nag-aapoy kapag sinindihan.
Mayroon kayang mina ng naturang gas sa lugar na maaaring mapakinabangan ng mga tao? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News