Isang ama sa Vietnam ang nakaisip na gawing "tangke" ang isang minibus para iregalo sa kaniyang anak.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing gumastos ng $11,000 o katumbas ng P570,000 ang ama na si Truong Van Dao, para magmukhang tangke ang isang lumang 16-seater minibus.
Tanging ang makina at flooring ng minibus ang natira nang gawin na niya itong wooden tank sa tulong din ng ilan niyang kaibigan.
Walo ang naging gulong ng tangke at may replika rin ng kanyon, na tumagal ng tatlong buwan ang paggawa.
Kaya naman agaw-pansin sa lansangan ang tangke ni Dao na hindi lalampas sa 25kph ang takbo.
Bukod sa masaya ang anak ni Dao sa ginawa niyang regalo, marami ring bata ang natutuwa at nagpapakuha ng larawan habang nakasakay dito. --FRJ, GMA News