Hindi tayo tatanggapin sa kaharian ng Diyos kung tutularan natin ang mga Tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo (Mateo 5:17-20)

“Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi makakapasok sa Kaharian ng Langit.” (Mateo 5:20)

MADALAS nating matunghayan sa ilang Pagbasa sa Bibliya ang tungkol sa mariing pagkondena ng ating Panginoong HesuKristo sa masasamang asal ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo. Ang isa na rito ay ang kanilang pagpapa-imbabaw at pagkukunwari.

Minsan sa isang pangangaral ni Hesus sa mga tao at sa Kaniyang mga Alagad, sinabi Niya sa kanila na ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. (Mateo 23:2)

Kaya ang wika ni Hesus sa kanila na dapat nilang gawin ang itinuturo nila at sundin ang kanilang mga iniuutos. (Mateo 23:3)

Ngunit pinayuhan din sila ng ating Panginoon na huwag nilang tutularan ang ginagawa ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo. Sapagkat hindi nila tinutupad ang kanilang ipinapangaral. (Mateo 23:3)

Kaya’t nagbigay ng babala si Hesus sa atin na kung ang pagsunod natin sa kalooban ng Diyos ay katulad lamang sa mga taong ito, malabong makapasok tayo sa Kaharian ng ating Amang nasa Langit.

Sa isang maikling salita: “Off Limits” ang Kaharian ng Langit para sa mga taong mapag-imbabaw at mapag-balatkayo. Katulad ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo.

Sapagkat magaling lamang silang magsalita, ngunit hindi naman talaga nila naisasabuhay ang kanilang itinuturo. Ang kanilang ikinikilos ay taliwas at hindi umaangkop sa kanilang mga pangaral. Kaya ang tingin sa kanila ni Kristo ay mga mapag-imbabaw o plastik.

Nakapakahirap sundin ang pangaral ng isang tao na mismong siya ay hindi niya kayang isabuhay ang kaniyang itinuturo. Dahil paano mo paniniwalaan ang isang taong walang kredibilidad?

Kailangan makita mismo sa kaniyang sarili ang kaniyang ipinapangaral? Ang wika ng ilan: “You must practice what you preach.” Mahalaga na sumasalamin sa kaniyang buhay ang kaniyang itinuturo.

Winika ng ating Panginoong Hesus sa Mabuting Balita (Mateo 5:17-20), na hindi Siya naparito upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga propeta. Ipinaliwanag pa ni Kristo na hindi Niya ipapawalang-bisa ang kautusan kundi para tuparin.

Hindi batas ang may problema. Kung hindi ang mismong mga tao na hindi makasunod sa batas. Lalong-lalo na sa batas ng ating Panginoon na nagsisilbing gabay natin para matamo natin ang Buhay na walang Hanggan o ang pagpasok sa Kaharian ng Diyos.

Kung pagninilayan natin mabuti ang mensahe ng Ebanghelyo, mapagtatanto natin na mahihirapan tayong makasunod sa mga utos o batas ng Diyos kung hindi tayo marunong magpakumbaba.

Sa kasalukuyang panahon, marami ang dalubhasa sa Bibliya. Kabisadong-kabisado nila ang nilalalaman ng Banal Kasulatan mula Genesis hanggang Revelation. Ngunit ang ilan sa kanila ay nasasangkot naman sa iba’t-ibang kasalanan.

Hindi natin kailangan memoryahin ang buong Bibliya, ang kanilangan lamang natin ay maunawaan ang mensahe dito ng Panginoon. Mayroon bang katuturan ang ating talino sa nilalaman ng Bibliya kung hindi naman natin kayang sundin ang mga turo at aral nito. AMEN.

--FRJ, GMA News