Nauwi sa trahedya ang pagpapatuli ng isang batang 13-taong-gulang matapos na pumanaw dahil naubusan umano ng dugo sa Lucena City sa lalawigan ng Quezon.
Ayon sa lolo ng bata, nagpagtuli ang kaniyang apo sa medical mission na isinagawa ng Scout Royal Brotherhood Fraternity sa Zaballero, Lucena City noong Marso 19.
Pero hindi raw tumitigil sa pagdurugo sa tuli ng bata hanggang sa isugod na siya sa ospital noong Marso 21. Ngunit kinabukasan ay binawian na siya ng buhay.
Sa death certificate ng biktima, nakasaad na naubusan ng dugo ang bata kaya ito binawian ng buhay.
Lumapit ang pamilya ng biktima sa Volunteers Against Crime and Corruption at Public Attorneys Office upang mabigyan ng hustisya ang sinapit ng bata.
Naniniwala sila na nagkaroon ng pagkukulang at kapabayaan sa mga nagsagawa ng medical mission at pagtutuli.
Sinusubukan pa ng GMA News na makuha ang panig ng fraternity at duktor na nagsagawa ng pagtutuli.
Isasailalim din sa awtopsiya ng PAO Forensic Team ang bangkay ng biktima.
Inihayag naman ni PAO Chief Atty. Persida Acosta, na posibleng nagkaroon ng malpractice at kapabayaan sa nangyari sa bata. Hindi man lang umano kinumusta ang kalagayan ng biktima ng mga nasa likod ng isinagawang libreng tuli.
Dapat din umanong magsilbing aral ang pangyayaring ito sa mga magsasagawa ng medical mission na dapat ay magkaroon ng screening sa mga pasyente bago magsagawa ng procedure. --Peewee Bacuño/FRJ, GMA News