Dagsa na muli ang mga turistang pumupunta sa Buscalan Village sa Kalinga na nais makita o magpa-tattoo kay Apo Whang-Od at sa kaniyang mga apo.
Katulad sa Metro Manila, nasa Alert Level 1 na lang ang Kalinga. Tanging vaccination card lang ang kailangan upang makapunta sa Buscalan.
Pero bago makarating sa itaas ng bundok na kinaroroonan nina Apo Whang-Od at kaniyang mga apo na tattoo artists din na sina Gracia Palican at Elyang Wigan, kailangan mag-trekking ng nasa 30 hanggang 45 minuto.
Ikinatuwa ng mga residente sa Buscalan at maging sa kalapit na barangay ang muling pagsigla ng turismo sa kanilang lugar para sa kanilang kabuhayan.
Ang mga residente kasi ang nagsisilbing tourist guide ng mga bisita. Bukod pa sa mga bahay na narerentahan para maging tuluyan ng mga turistang nais mag-overnight sa bundok.
Dagdag din sa kabuhayan nila ang mga mabibiling souvenir, at mga pagkain.
Natutuwa rin ang tour coordinator na si Francis Cuarteron sa muling pagsigla ng turismo dahil halos dalawang taon din natigil ang kanilang trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Gayunman, posibleng abutin pa raw ng isang taon bago sila makabawi.
Si Apo Whang-Od ang pangunahing pinupuntahan ng mga turista na nais magpa-tattoo at magpa-picture. Ngunit dahil na rin sa kaniyang edad na 105 (nitong nagdaang Pebrero), tanging ang "signature" tattoo na "3 Dots" na lamang ang kaniyang ginagawa.
Dahil sa dami ng mga tao, inirekomenda ni Cuarteron na kailangan maagang magpunta ang mga turista upang mauna sa pila.
Ang mga hindi na kayang maasikaso ni Apo Whang-Od, maaari namang magpa-tattoo sa kaniyang mga apo na sina Gracia at Elyang.
Bukod sa signature tattoo na "3 Dots," gumagawa rin sina Gracia at Elyang ng mga tattoo na may disenyo.
Sinasabing ang "3 Dots" ay kumakatawan kina Apo Whang-Od, Gracia at Elyang.
Pero bukod sa pagpapa-tattoo, mabubusog ang mata sa magandang tanawin sa itaas ng Buscalan.
Mayroon silang sariling rice terraces, malamig ang hangin lalo na sa umaga at gabi, masarap ang kape, mula sa bukal ang kanilang tubig, at higit sa lahay--magiliw ang mga tao.
Sa mga nais makita si Apo Whang-Od sa Buscalan, dapat ikondisyon ang sarili sa mahaba-habang lakaran at akyatan.
--FRJ, GMA News