Humingi ng paumanhin ang anak ni Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr., na si Axl para sa kapatid niyang si Kurt, bunga nang ginawa nitong pagpapaluhod, pagsipa at pagsuntok sa isang security guard sa Parañaque.
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nagpaunlak ng panayam si Axl para ipaabot ang pagsisisi ng kapatid niyang si Kurt sa ginawang pananakit sa security guard ng BF Homes Subdivision na si Jomar Pajares.
Nag-ugat ang pananakit ni Kurt nang pagbawalan siya ni Pajares na pumasok sa subdibisyon dahil walang "sticker" ang sasakyan na dala niya.
Sa kabila iyon ng paggiit umano ni Kurt na nakatira sila sa naturang subdibisyon.
Ayon kay Axl, nais ng kaniyang kapatid na si Kurt na makaharap si Pajares para personal na humingi ng paumanhin sa nangyari.
"Hihingi po kami ng patawad sa lahat ng pagkakamali ng brother ko. Yung brother ko po mismo ang kakausap sa'yo, sasamahan ko," ani Axl.
Batid umano ni Axl na natatakot si Pajares kaya ang sekyu na raw ang bahalang pumili ng lugar kung saan sila magkikita at isama ang taong pinagkakatiwalaan.
"In behalf of my family and my brother Kurt, I want you to know na willing na willing kami na kumausap sa'yo nang maayos kung saan mo gusto, tapos isama mo kung sino ka comfortable," sabi ni Axl.
Nauna nang inamin ni Pajares na nangangamba siya para sa kaniyang kaligtasan at ng kaniyang pamilya dahil sa nangyari.
Kasabay nito, nilinaw ni Axl na handa ang kapatid niya na harapin pa rin ang anomang reklamong isasampa sa laban dito.
"Ang mali po ay mali," pahayag niya, sabay pakiusap sa publiko na huwag nang idamay ang iba pang miyembro ng kanilang pamilya sa nangyari.
Nilinaw din ni Axl na wala umanong dalang baril si Kurt nang mangyari ang insidente dahil sa may umiiral na gun ban.
Inihayag naman ng pamunuan ng BF Federation of Homeowners' Associations na handa silang makipag-usap sa pamilya Teves pero hindi pa umano ito ang tamang panahon.
"Magandang move sa kanila kung ipakita nila yung ganoon. Siyempre sa ngayon kasi masyadong ano pa yung guwardiya, traumatized. So siguro some other time, hindi pa ngayon," ayon kay Atty. Delfin Sipapo jr. chairman ng legal committee ng BFFHAI.
--FRJ, GMA News