Para ipaalam sa publiko ang kahalagahan ng sapat na oras ng tulog, idinaraos taun-taon ang World Sleep Day. Maaari nga bang pagmulan ng malulubhang karamdaman ang kakulangan sa tulog at labis na pagpupuyat?
Ayon sa mga eksperto, may masamang epekto sa kalusugan ang pagpupuyat at hindi nagkakaroon ng sapat na oras ng tulog.
Inihayag ng Philippine Society of Sleep Medicine, na depende sa age group ang dapat na haba ng tulog ng isang tao.
Ang mga batang nasa edad 1-2, dapat ay 11-14 oras ang tulog sa isang araw. Nasa 10 hanggang 13 oras naman dapat ang tulog ng mga batang edad 3-5.
Ang mga batang 6-13 ang edad, dapat makatulog ng 9-11 oras. Samantalang 8-10 hours naman sa mga edad 14-17.
Sa mga adult na 18-25 ang edad, kailangan ang 7-9 hours na tulog, gayundin sa mga nasa edad 26-64.
Ngayong taon, idinaos nitong Marso 18 ang World Sleep Day.
"Sleep has a lot of functions. It improves our memory, our decisions making skills," sabi Dr. April Fatima Fernandez.
Ang kakulangan sa tulog ay maaring umanong magdulot ng iba't ibang medical condition tulad ng cardiovascular disease, increase risk sa stroke, sa cancer, at neurocognitive disorder tulad ng dementia.
Para magkaroon ng maayos na tulog, kailangan daw gawin ang tinatawag na "sleep hygiene."
Kabilang dito ang paggising sa parehong oras araw-araw, paglimita sa iniinom na tubig bago matulog, at huwag uminom ng caffeinated drinks gaya ng kape o soda, anim hanggang siyam na oras bago matulog.
Maganda rin umano ang 20 minutong sun exposure kada umaga, mag-ehersiyo, huwag gumamit ng gadgets isang oras bago ang bedtime, at huwag matutulog nang gutom.
--FRJ, GMA News