Lumabas na ang resulta sa DNA test na isinagawa sa isang sanggol na hinihinala ng mga magulang na napalitan sa isang paanakan sa Cebu.

Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabi ng mga magulang ng sanggol na ang mismong laboratoryo na nagsagawa ng DNA test ang nag-email sa kanila ang resulta at hindi ang paanakan  o ang duktor.

Batay sa resulta ng DNA test, 99.999999998% na match ang ina at ang sanggol na kaniyang iniuwi mula sa paanakan.

Bagaman parang nabunutan ng tinik ang pakiramdam ng mga magulang ng sanggol dahil nakatitiyak na sila na anak nga nila ang bata, hindi pa rin nawawala ang pagkadismaya nila sa paanakan at sa duktor.

Ayon sa ina ng sanggol, nag-text lang umano ang duktor sa kaniya para tanungin ang resulta ng DNA test.

Hindi pa rin umano ito sumagot, maging ang paanakan, nang humingi siya ng paliwanag kung bakit nangyari ang pagkakamali sa unang impormasyon na sinabi sa kaniya nang araw na manganak siya.

Matatandaan na sinabihan umano ang ina nang araw na isilang niya ang sanggol na babae ang kaniyang anak. Pero pagkaraan ng dalawang araw, lalaking sanggol ang ibinigay sa kaniya.

Nais ng mga magulang na humingi man lang sana ng paumanhin sa kanila ang paanakan at ang duktor. Labis na trauma at pag-iisip daw ang kanilang naranasan, at pagdududa na baka hindi nila anak ang sanggol na kanilang iniuwi.

Hinihintay pa ng mag-asawa ang resulta ng reklamo na isinampa nila sa Department of Health laban sa paanakan.-

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang duktor at ang paanakan. -FRJ, GMA News