Magkakaiba man ang kanilang mga magulang, magkakapatid naman ang turingan sa isa't isa ng magkakaibigang sina Lola Norie, Lola Intang at Lola Nila ng Majayjay, Laguna.
Ang pagiging magkakaibigan ng tatlong lola, nagsimula pa noong 1930's. Kaya talaga namang dumaan na sa matinding pagsubok ang kanilang friendship, mula ng World War 2 noon, hanggang sa COVID-19 pandemic ngayon.
Ang mga presidente ng Pilipinas na kanilang inabutan, 15 lang naman.
Ayon kay Lola Nila, para na talagang magkakapatid ang kanilang turingan. Bata pa lang, sobrang close na silang tatlo.
Taong 1937 nang unang maging magkaklase sa grade 1 sina Lola Nila at Lola Norie. At nang tumungtong sila sa grade 2, doon naman nila nakilala at naging kaibigan din si Lola Intang.
Sa tatlo, si Lola Norie raw ang pinakamaporma.
Si Lola Nila naman ang pinakarelihiyosa at tanging nakapagtapos sa kanilang tatlo.
Habang si Lola Norie, ang itinuturing nilang pinakamahaba ang hair dahil sa ito ang pinakaligawin sa kanila.
Matagal na rin umanong hindi nagkikita nang personal ang tatlo. Pero hindi naman napuputol ang kanilang komunikasyon sa tulong na rin ng video chat.
Si Lola Norie, hirap nang maglakad at kailangan nang alalayan sa pagtayo.
Habang si Lola Intang, tinamaan noon ng COVID-19 at mapalad na nakaligtas.
Ngunit kahit hindi sila nagkikita, lagi raw nasa puso nilang tatlo ang isa't isa.
Para malibang si Lola Norie, dadalhin siya sa dati nilang tagpuan na magkakaibigan--sa dati nilang eskwelahan noong nasa elementarya pa sila.
Ang hindi alam ni Lola Norie, magpupunta rin doon ang kaniyang mga BFF na sina Lola Intang at Lola Nila.
Kaya sa unang pagkakataon matapos ang mahaba-habang panahon na hindi nagkikita nang personal, muli na nilang mayayakap ang isa't isa.
Panoorin ang nakatutuwang tagpo sa pagkikita ng tatlong lola sa video na ito ng "KMJS."
--FRJ, GMA News