Ilang minutong idinetine ng mga pulis sa Atlanta, USA ang direktor ng "Black Panther" movie na si Ryan Coogler matapos siyang paghinalaang bank robber. Ang direktor, magwi-withdraw sana ng malaking halaga.
Ayon sa Reuters batay sa ulat ng Variety, nangyari ang insidente noong nakaraang Enero pero ngayon lang inilabas ng Atlanta police ang video na kuha mula sa body camera.
"From we got the call, sounded like someone was trying to rob the bank," madidinig na pahayag ng isang pulis.
Ayon pa sa ulat, iniabot ng 35-anyos na direktor ang withdrawal slip sa bank teller ng Bank of America na may nakasaad na, "I would like to withdraw $12,000 cash from my checking account. Please do the money count somewhere else. I’d like to be discreet."
Inakala umano ng bank teller na panghoholdap ang ibig sabihin sa sulat dahil higit sa $10,000 ang transaksyon.
Kaagad daw na ipinaalam ng bank teller sa kaniyang boss ang mensahe mula sa kanilang kliyente na may suot na face mask, ayon sa Variety.
Sa video, makikita na ipinosas si Coogler at dinala sa police mobile matapos na may tumawag sa 911.
Pero kinalaunan ay inalis din ang posas ni Coogler at pinalaya pero makikita ang kaba ng direktor sa nangyari.
Wala pa umanong pahayag ang bangko sa nangyaring insidente.
Sa pahayag naman ng direktor, sinabi niya na "This situation should never have happened. However, Bank of America worked with me and addressed it to my satisfaction and we have moved on."
Taong 2018 nang ipalabas sa mga sinehan ang "Black Panther" na naging second-highest grossing movie worldwide.
--Reuters/FRJ, GMA News