Sa pangil dumadaloy ang kamandag ng mga cobra para makahuli ng kanilang makakain at pangdepensa sa kalaban. Kaya ano ang mangyayari sa kanila kapag inalisan sila ng pangil?

Sa programang "Born To Be Wild," nagtaka ang host na si Doc Nielsen Donato nang mapanood ang isang video na makikita ang isang lalaki sa Natividad, Pangasinan na sabay-sabay na hinahawakan ang mga Philippine cobra.

Ayon kay Doc. Nielsen, isa ang Philippine cobra sa mga pinakamakamandag na ahas sa buong mundo.

Bukod sa pagkagat, kaya rin ng Philippine cobra na magpakawala ng kamandag sa pamamagitan ng pagdura.

Nagtungo si Doc Nielsen sa Natividad at doon niya nakilala si Joel, ang takbuhan ng mga tao sa lugar kapag may makitang cobra sa palayan o bahay para ipahuli sa kaniya.

Sa isang buwan, hindi raw bababa sa tatlong cobra ang nahuhuli ni Joel.

Sa katunayan, nang sandaling iyon, tatlong cobra na nahuli ni Joel ang nasa sako at dadalhin sana sa bundok para pakawalan.

Nang suriin ni Doc Nielsen ang mga cobra na nasa loob ng sako, nakita niya na walang pangil ang mga ito dahil inaalis ni Joel.

Paliwanag ni Joel, tinatanggalan niya ng pangil ang mga cobra upang hindi makakagat ng tao sakaling bumalik ang mga ahas sa palayan o bahay.

Maganda man ang layunin ni Joel, pero paliwanag ni Doc Nielsen na mahalaga para sa mga cobra ang pangil dahil ito ang panghuli nila ng makakain at pangdepensa sa sarili.

Sinabi pa ng TV host na mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga ahas sa pagprotekta maging sa mga pananim dahil hinuhuli ng mga cobra ang mga pesteng daga.

Ngunit ngayon na inalisan ng pangil ang mga ahas, kaya pa ba nilang mabuhay kapag pinakawalan sila sa natural nilang tirahan o sa wild? Alamin ang kasagutan sa video ng "Born To Be Wild."

Samantala, ang mga pakakawalang cobra, ginamot muna ni Doc Nielsen, at tinuruan na rin niya si Joel ng mas ligtas na paraan ng paghuli ng ahas.
 

--FRJ, GMA News