Ibinahagi ng isang impormante ang ilang detalye sa kalakaran ng game fixing o "panyunyupe" sa sabong. Ilan daw sa mga nagdadala ng manok sa sabungan, inosente at hindi alam na sadyang ipapatalo ang laban.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," itinago sa pangalang "Pedro" ang impormante na nagsabing tumigil na siya sa naturang gawin ng game fixing noong July 2021 nang mayroon nang mga sabungero na nawawala.
Ayon kay Pedro, ilang buwan bago ilaban ang manok, naghahanap na ang mga sangkot sa panyunyupe ng magiging financier nila na kayang pumusta ng malaki sa kalaban.
"Halimbawa po tumalpak pa ako ng P200,000 sa isang tip sa isang sultada po na tip, 40% po sa kaniya dun, 60 percent sa akin," pahayag niya.
Bumibili rin umano ng magagandang manok ang mga sangkot sa game fixing mula sa mga bigtime at kilalang sabungero na breeder din. Pero sa halip na ikondisyon at palakasin, pahihinain umano ang manok ilang buwan o ilang linggo bago ang tupada.
"Pinapabugbog lang nila sa kapuwa manok. Hindi pinapakain ng tama, maling pagkain ang ibibigay," ayon kay Pedro, na nagsabi rin na pinapainom ng maraming tubig ang manok para mas maging madugo kapag nasugatan sa laban at mamamatay kaagad.
Gumagamit din daw ng dummy account sa mga kasama sa group chat ng mga manyunyupe at hindi puwedeng kontrahin ang nagbibigay ng "tip."
"Kapag kinontra mo naman yung nagti-tip na 'yon, yari ka po dun," ani Pedro. "Kawawa po talaga ang iba na nadamay lang, walang alam."
Ani Pedro, ang pinaka-nagpapaikot sa sitwasyon ay ang pinaka- financier ng grupo, habang ang mga ipinapadala naman sa mga sabungan ay karamihan mga walang alam.
"Inooperan nila ng malaking presyo para pumayag kahit hindi nila kakilala. Ang target po talaga nila is wala mga pamilya, malayo sa magulang para kapag halimbawang sumablay wala na pong hahabulin kahit sino. Kumbaga malis po yung trabaho," patuloy niya.
Ayon kay Pedro, tumigil na siya sa naturang gawain nang mayroon nang mga sabungero na nawawala.
"Nakakakonsensiya. Maganda nga ang kita kaso ganoon may mga nawawala," dagdag niya.
Matatandaan na sinabi ng isang kaanak ng isa sa mga nawawalang sabungero na bago ito nawala ay nakausap niya at sinabing natalo ang mga manok na inilaban nila.
Sa nakaraang pagdinig ng Senado tungkol sa kaso ng mga nawawalang sabungero na umabot na sa 31, lumitaw na wala raw CCTV sa mga sabungan kung saan huling nakita at nagpunta ang mga biktima.
Pinakamarami ang nawawala sa Laguna na umabot sa 19, anim sa Maynila, anim sa Batangas, dalawa sa Bulacan at isa ang dinukot sa kaniyang bahay sa San Pablo, Laguna.
Kamakailan lang, isang bangkay ng lalaki ang nakitang lumutang sa bahagi ng Navotas. May pagkakahawig ang suot nitong damit sa suot na damit ng isa sa mga sabungero na nawawala.
Iisang tao nga lang kaya ang biktima? Panoorin ang buong ulat sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News