Irereklamo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Hong Kong authorities ang mga amo na umano'y tinanggal sa trabaho ang empleyadong overseas Filipino worker na nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, sa ngayon ay mayroong 76 OFWs sa Hong Kong na nagpostibo sa virus. Sa naturang bilang, walo ang nasa ospital at nasa isolation facility naman ang iba pa.
Sinabi ni Cacdac na batid nila ang mga lumabas na ulat na may mga OFW na sinibak sa trabaho ng kanilang mga amo matapos silang magpositibo sa virus.
Pero ang iba ay nakabalik naman umano sa trabaho.
“Sa talaan natin ay parang isa lang ang naka-record sa atin na hindi pa makumbinsi na employer, idudulog na natin ito sa Hong Kong labor authority,” sabi ni Cacdac sa Laging Handa virtual briefing.
“Under Hong Kong law ay hindi sila dapat i-terminate kasi puwede naman mag-SL (sick leave) o 'di kaya makabalik after nila mag-recover,” paliwanag niya.
Kung hindi umano tatanggapin muli ng employer ang OFW na nagkasakit, sinabi ni Cacdac na magsasampa sila ng labor case laban dito at ipapa-blacklist sa Pilipinas.
“Kailangan lang siguro ipaliwanang sa mga Hong Kong employers itong sitwasyon na ito at in fairness, marami naman sa kanila ang nakukumbinsi na tanggapin muli ang ating mga OFWs,” anang opisyal.
Problemado ngayon ang Hong Kong sa dami ng nagpopositibo sa COVID-19 dahil sa pagkalat ng mas nakahahawang Omicron variant.
Sinabi ni Philippine Consul General Raly Tejada, mayroong 10 OFWs sa Hong Kong ang napilitang matulog sa pampublikong lugar matapos magpositibo sa virus.
Punuan ang mga ospital at pahirapan din ang isolation facility.
Ayon kay Cacdac, pinag-aaralan nila ang posibilidad na magpadala ng medical team ng Pilipinas sa Hong Kong para asikasuhin ang mga OFW na magkakasakit doon.
Pero kailangan na mayroon itong koordinasyon sa pamahalaan ng naturang teritoryo ng China.
—FRJ, GMA News