Marami ang natutuwa sa pakulo ng isang lalaki na aakalain mong pupunta sa pagdinig sa korte dahil sa kaniyang porma. Pero sa halip na mga papeles, tindang mani pala ang laman ng bitbit niyang attache case.
Sa programang "Unang Hirit" nitong Miyerkules, nakapanayam nila si "Atty. Mani," o Bernie Mirafuentes, 52-anyos.
Ayon kay Bernie, noon pa man ay mahilig na raw talaga siyang pumorma sa pagbihis. Kaya nang magtinda siya ng mani ay nagbihis na rin siya nang pormal.
"Naisipan ko lang 'to. Wala pang pandemic tapos kalamidad namin dito si [bagyong] Sendong," kuwento niya.
Natutuwa naman daw ang mga taong nakakakita sa kaniya at bumibili ng inilalako niyang mani, na siya ang nagluluto.
Sa isang araw, nakabebenta raw siya ng mani na umaabot sa P2,000.
Inihayag din ni Bernie, na sadyang pangarap niya noong bata pa na maging abogado. Pero hindi raw ito natuloy nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang.
May plano pa kaya siyang abutin ang pangarap na maging abogado? Panoorin ang buong kuwento sa video.
--FRJ, GMA News